Lacson-Sotto pormal nang inansunyo pagtakbo sa pagkapangulo, VP sa 2022

MANILA, Philippines — Opisyal nang inihayag nina Sen. Panfilo Lacson at Senate President Vicente "Tito" Sotto III ang kanilang pagkandidato sa dalawang pinakamatataas na posisyon sa gobyerno ng Pilipinas.

Sina Lacson at Sotto ang unang running mates na nagdeklara ng kanilang kandidatura para sa susunod na taon, matapos kumpirmahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtakbo sa pagkabise sa 2022.

"We are nearing the crossroads of our nation's modern history — and we cannot afford to choose the wrong direction in charting the course of our nation in the next six years," ani Lacson sa live stream ng kanyang talumpati sa pagtakbong presidente, Miyerkules.

"Having said all that, with all your help and cooperation, this is where Tito Sotto and I intend to steer our country from despair to hope from apathy to empathy, from fear to trust, from poverty to prosperity, from self-pity to dignity. The Filipino deserves no less."

 

 

Kilala si Lacson sa kanyang adbokasiya laban sa katiwalian at paglilinis sa hanay ng kapulisan noong siya'y nagsisilbi pa bilang hepe ng Philippine National Police mula 1999 hanggang 2001.

Naging hepe rin siya ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force mula 1998 hanggang 2001 bago maging senador mula noong taong 'yon hanggang ngayon.

Ilan sa mga primaryang problema na nais daw tugunan ng kanilang tambalan ang:

  • pagkabaon ng utang ng bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic
  • kawalan ng trabaho sa pagsasara ng maraming negosyo
  • kahirapan at kagutuman
  • talamak na korapsyon
  • iligal na droga
  • unti-unting pagkawala ng kontrol ng Pilipinas sa West Philippine Sea

"Between me and Senate President Sotto are more than 80 years of honest, dedicated, and competent public service," dagdag pa ni Lacson sa kanilang announcement of candidacy.

"Kaunting tiis na lang, malapit na, makakaahon na tayo."

Tila pinasaringan din ni Lacson si Duterte sa kanyang talumpati nang akalain ng huli na "sing simple ng pagpapatakbo ng Davao City" ang pamumuno sa Pilipinas, bagay na inamin naman ni Digong sa kanyang 2021 State of the Nation Address: "Hindi natin dapat payagan ang maling akala para sa kinabukasan ng ating bansa."

Ipinagmalaki rin ni Sotto, na kilala rin sa pagiging komedyante't aktor, ang pagtanggi ng kanyang running mate sa paggamit ng kanyang Priority Development Assistance Fund o "pork barrel," na siyang iniuugnay sa milyung-milyong korapsyon sa lehislatura.

"Ang inyo pong lingkod ay naririto upang harapin ang hamon sa tamang panahon na maging kandidato niyo sa pagka-pangalawang pangulo ng Republika ng Pilipinas," ani Sotto kanina.

"Si Sen. Lacson at ako ay naririto para sa magandang kinabukasang karapat-dapat para sa inyo. Sa pamamaraan na hindi daraan sa korapsyon, bagkos pagbuwag sa korapsyon."

Taong 1988 hanggang 1992 nanunkulang bise alkalde ng Quezon City si Sotto, bago magsilbing senador sa kanyang unang dalawang termino mula 1992 hanggang 2004.

Nanungkulan din siyang chairperson ng Dangerous Drugs Board mula 2008 hanggang 2009 hanggang sa maluklok uling senador mula 2010 hanggang sa kasalukuyan.

Matatandaang nagpahayag si Sen. Sherwin Gatchalian na nais din niyang kumandidato sa pagkabise preisdente sa 2022 kahit na kapartido niya sa Nationalist People's Coalition (NPC) si Sotto. 

Aniya, magkakakaroon pa silang dalawa ng pag-uusap. Kung nagkataong tumakbo sa presidente ni Davao City Mayor Sara Duterte, siya raw ang nais makatambalan ni Gatchalian. 

Show comments