SRA sa health workers, patuloy na isusulong ni Go

MANILA, Philippines — Binigyang-diin ni Senator at Senate Committee on Health chairman Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng healthcare capacity sa bansa para malabanan ang pandemya sa pamamagitan ng pagsusulong ng batas na magpapalakas sa mga health facilities at healthcare system sa bansa.

Ayon kay Go, natuklasan sa pandemya ang kahalagahan ng Philippines health capacity, sa pagsasabing dapat nang matuto ang gobyerno sa naging karanasan nito sa pamamagitan ng pagpopokus sa pagsuporta sa pangkalusugan.

“Sa totoo lang po, kaya tayo nahihirapan ngayon dahil sa kulang ang naging investment natin sa health kahit noon pa. Ngayon po tayo nagkakandarapa, ngayon tayo gumagawa ng modular hospital,” ani Go.

Kaya naman sinabi ng senador na patuloy niyang isusulong ang probisyon sa Special Risk Allowance at iba pang benepisyo para sa medical frontliners.

“Hindi po naisama sa 2022 National Expenditure Program ang pondo para sa allowances ng public and private healthcare workers. Ayon sa DOH, iaapela nila ito sa Kongreso para mabig­yan ng pondo,” sabi ni Go.

“Ako naman po, susuportahan ko po ito at ipag­lalaban ko po na maisama ito sa budget pagdating ng deliberasyon dito sa Senado. Dapat lamang na mabigyan ng kaukulang pagkilala ang sakripisyo ng healthcare workers. Hindi po sila dapat ma-low morale dahil sila ang frontliners sa giyerang ito,” ipinunto niya.

Anang senador, patuloy na inilalagay ng COVID-19 ang buhay ng health wor­kers sa panganib kaya wasto lamang na makatanggap sila ng risk allo­wance mula sa gobyerno.

 

Show comments