18,012 Pinoy kahahawa lang ng COVID-19; Lokal na kaso umabot na sa 2.12 milyon
MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 18,012 bagong infection ng coronavirus disease (COVID-19), Martes, kung kaya't nasa 2,121,308 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- Lahat ng kaso: 2,121,308
- Nagpapagaling pa: 158,637, o 7.5% ng total infections
- Kagagaling lang: 18,945, dahilan para maging 1,928,173 na lahat ng gumagaling
- Kamamatay lang: 161, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 34,498
15.3 milyon fully-vaccinated sa Pilipinas
-
Sa napipintong pagpa-pilot ng panibagong "granular lockdowns" sa Metro Manila bukas, sinabi naman ng World Health Organization (WHO) na maaari lang itong gumana kung masusuportahan ng mga makatotohanan datos. Tumutukoy ang naturang sistema sa mga mas mahihigpit na maliitang lockdowns laban sa COVID-19, dahilan para hindi na isara ang mga buong lungsod at probinsya.
-
Umabot naman na sa 15.3 milyon ang nakatatanggap ng kumpletong dose ng COVID-19 vaccines, ayon sa pinakahuling datos na inilabas ng DOH ngayong araw. Bahagi lang 'yan ng kabuuang 35.83 milyong doses na naiturok na sa Pilipinas.
-
Nahuli ng Manila Police District sa Quiapo, Maynila ang dalawang suspek na pinaghihinalaang gumagawa at nagbebenta ng mga pekeng COVID-19 vaccination cards at swab tests, ayon sa pahayag ng Philippine National Police ngayong araw.
-
Ilang opisyales naman ng gobyerno gaya nina presidential spokesperson Harry Roque, dating PNP chief Gen. Debold Sinas, atbp. ang hinainan ng reklamo sa Office of the Ombudsman ngayong araw matapos nilang "lumabag" diumano sa ilang quarantine restrictions sa non-essential travels at social distancing noong nakaraang taon.
-
Sa gitna ng COVID-19 pandemic, nakatakda namang magsagawa ng harapang national convention ang 400 miyembro ng isang paksyon ng PDP-Laban na pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi sa San Fernando, Pampanga.
-
Umabot na sa 220,563 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling datos ng WHO. Sa bilang na 'yan, patay na ang 4.56 milyong katao.
— James Relativo
- Latest