MANILA, Philippines — Posibleng iisantabi ni Bise Presidente Leni Robredo ang pagtakbo sa panguluhan sa 2022 kung 'yun ang mapagkakaisahan ng koalisyon ng mga oposisyon sa eleksyon sa darating na taon.
Ito nga ang ipinahiwatid ni Robredo sa panayam ng ANC, Lunes ng umaga, nang tanungin kung ano ang pagtingin niya kung sakaling maging running mates sa 2022 sina Sen. Manny Pacquiao at Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso sa halalan.
Related Stories
"Ako, yes. Yes if that will be the result of discussions of the broadest coalition that we can form," sagot niya kanina.
"Bukas ako sa kahit ano na would put a stop to this kind of governance already."
Ganyan nga ang kanyang sinabi kahit na maraming humihimok sa ikalawang pangulo na puntiryahin ang pinakamataas na posisyon sa gobyerno ng Pilipinas.
Kaugnay niyan, inisantabi naman niya ang posibilidad na tumakbo sa pagkasenador sa dahilang "hindi niya 'yun kalakasan."
Ipinaabot naman ni Sen. Manny Pacquiao, na usap-usapang tatakbo sa pagkapangulo, ang kanyang pasasalamat kay VP Leni.
"I’m thankful to Vice President Leni Robredo for her trust in me," wika ng fighting senator kanina.
"[N]gunit tulad ng nasabi ko ay pinag-iisipan ko pang mabuti kung alin sa tatlong option ang pinagpipilian ko: ang presidency, ang tumakbo bilang senador o ang tuluyan nang magretiro sa pulitika."
Sen Pacquiao: I'm thankful to VP Leni Robredo for her trust in me ngunit tulad ng nasabi ko ay pinag-iisipan ko pang mabuti kung alin sa tatlong option ang pinagpipilian ko: ang presidency, ang tumakbo bilang senador o ang tuluyan nang magretiro sa pulitika." @News5PH @onenewsph
— marie ann los banos (@maeannelosbanos) September 6, 2021
Gaya ni Pacquiao, hindi pa nagdedeklara si Domagoso kung tatakbo bilang standard-bearer ng anumang partido bagamat kalilipat lang ng alkalde sa partidong Aksyon Demokratiko.
Kasalukuyang magkapartido sa PDP-Laban sina Pacquiao at Duterte, na nagpahayag na ng pagnanais tumakbo sa pagkabise presidente. Gayunpaman, nagkakaroon ngayon ng biyakan sa partido't may dalawang magkaibang liderato ang mga paksyon: ang "wing" nina Pacquiao at "wing" nina Energy Secretary Alfonso Cusi.
Ineendorso ng paksyon nina Cusi si Duterte para sa pagka-VP next year, na siyang nangunguna ngayon sa Pulse Asia survey.
Pagbubuo ng alyansa
Kilalang miyembro ng oposisyon si Robredo, na siyang bumabatikos sa ilang mga polisiya ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ilan na riyan ang paghawak ng gobyerno sa COVID-19 pandemic, madugong war on drugs at human rights issues.
Bagama't bukas pa rin siya sa pagtakbo sa pagkapangulo, hindi pa naman siya nag-aanunsyo ng pinal niyang desisyon: "I can run for a local position, I can retire, I can just help the next administration if I don’t run for president," wika pa niya"
"I continue to give serious thought to this."
Kasalukuyan naman siyang nakikipagpulong ngayon sa sari-saring grupo para na rin matulungan siya sa kanyang pagdedesiyon at pagpapalawak ng kanilang baseng masa.
Hulyo lang nang kumpirmahin ni Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, na kinakausap ng VP sina Sen. Panfilo Lacson, Sen. Dick Gordon at Senate President Vicente "Tito" Sotto III para lumikha ng pinakamalawak na alyansa ng mga nagnanais ng pagbabago sa 2022.
Una nang sinabi ni Lacson na tatakbo siya sa pagkapresidente kung makakatambalan niya si Sotto bilang VP. — James Relativo at may mga ulat mula sa News5