Bagyong 'Jolina' posible sapulin Isabela sa Huwebes; 7 lugar signal no. 1

Ayon sa PAGASA, huling namataan ang Tropical Depression Jolina 205 kilometro silangang timogsilangan ng Guian, Eastern Samar bandang 10 a.m. ngayong Lunes.
Joint Typhoon Warning Center

MANILA, Philippines — May posibilidad na mag-landfall ang bagyong "Jolina" sa probinsya ng Isabela tatlong araw mula ngayon habang binabantayan ang maaaring pagpasok ng isa pang bagyo sa Philippine area of responsibility sa Miyerkules.

Ayon sa PAGASA, huling namataan ang Tropical Depression Jolina 205 kilometro silangang timogsilangan ng Guian, Eastern Samar bandang 10 a.m. ngayong Lunes.

  • Lakas ng hangin: 55 kilometro kada oras
     
  • Bugso ng hangin: aabot hanggang sa 70 kilometro kada oras
     
  • Direksyon: pakanluran
     
  • Bilis ng pagkilos: 15 kilometro kada oras

Samantala, itinaas naman ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 sa:

  • Sorsogon
  • Northern Samar
  • Samar
  • Eastern Samar
  • Dinagat Islands
  • Siargao
  • Bucas Grande

"So ito pong mga eryang ito, posibleng makaranas ng mga pag-ulan ngayong araw, minsan-minsan may pagbugso ng hangin," ani Chris Perez, senior weather specialist ng PAGASA, kanina.

"Pinapayuhgan natin ang mga kababayan natin... maging alerto pa rin sa mga posibleng pagbaha at pagguho ng lupa... Inaasahan po natin na magla-landfall ito dito sa Isabela area sa darating na Huwebes."

Dagdag pa ni Perez, malaki ang pag-asang lumakas pa ito at maging tropical storm sa Miyerkules bago mag-landfall.

Nakikitang aabot sa signal no. 2 ang ilang lugar sa Pilipinas sa patuloy na pagtawid ng bagyo sa bansa sa mga susunod na araw.

Maaaring lumabas sa Philippine area of responsibility ang bagyong "Jolina" sa Biyernes.

Isa pang bagyo 'papasok sa Miyerkules'

Samantala, binabantayan naman ngayon ang pagpasok ng isa pang tropical depression na kasalukuyang nasa 1,535 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes.

Posible itong pumasok ng PAR sa ika-8 ng Setyembre ngunit tinatayang hindi makaaapekto nang direkta sa bansa.

"However this weather system may contribute to the moderate to rough seas over the northern and eastern seaboard of Northern Luzon on Friday," dagdag pa ng PAGASA.

Posible rin itong lumakas pa at patunong severe tropical storm category sa Biyernes.

Show comments