MANILA, Philippines — Irereklamo sa korte ni Sen. Manny Pacquiao ang isang tanyag na religious leader dahil diumano sa pagkakalat ng maling impormasyon kaugnay ng bilyun-bilyong halagang proyekto sa probinsya ng Sarangani — ang probinsyang pinanggalingan ng "Pambansang Kamao."
Kaugnay ito diumano ng P3.5 bilyong Sarangani Sports Complex na ipinagawa raw ni Pacman noon, bagay na kwinekwestyon ngayon ni Kingdom of Jesus Christ church founder Pastor Apollo Quiboloy dahil "overpriced" at "hindi napakinabangan."
Related Stories
Pero sa panayam ng ANC kay Pacquiao, Miyerkules, sinabi ng fighting senator na nasa P300 milyon hanggang P500 milyon lang iyon. Taong 1996 pa rin daw itinayo ang gusaling tinutukoy ni Quiboloy, kahit na 2010-2016 naging mambabatas ng Saranggani si Manny.
"Ito si Quiboloy po... gumagawa ng issue na di niya alam. Dapat di siya nakikialam sa gobyerno. Magpokus na lang po siya para doon sa pag-evangelize sa kanyang mga disipulong naniniwala sa kanya," wika ni Pacquiao.
"Magfa-file po ako ng case against him... Hindi lang po siguro isang kaso, but we will announce po kapag labas ko rito sa quarantine [facility]. I-formal announce po namin 'yan. Ako mismo ang magfa-file ng case against him."
Hindi pa naman inaanunsyo sa ngayon kung libelo, slander o defamation ang irereklamo ni Pacquiao.
Sa pagkakaalam ni Pacquiao, proyekto raw ng isang senador na malapit kay Pangulong Rodrigo Duterte ang tinutukoy na sports facility na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon sa Bataan.
Ugnayang Quiboloy, Pacquiao at Duterte
Matatandaang binanatan ni Quiboloy, na kilalang malapit na kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte, si Pacquiao dahil sa pag-aakusa ng huli sa mga katiwalian sa administrasyon.
Ito ay kahit na magkakasama sa PDP-Laban sina Pacquiao at Duterte, isang partidong nagkakaroon ng hatian at paksyunan bago ang 2022 national elections.
"Sila [Pacquiao] ang tunay na dapat magpaliwanag sa taumbayan [tungkol sa proyekto] kasi ito ay kwarta, pera natin. Pera ng taumbayan," banggit ni Quiboloy sa isang video na ipinaskil sa SMNI news noong Hulyo, isang media network na kanyang pagmamay-ari.
"Sa kanyang sinabi na two or three times, mas korap ang pamamahalang administrasyong Duterte kaysa kay [dating Pangulong Benigno Aquino III]. Isa ito sa dapat niyang pagtuunan ng pansin... ang pag-imbestiga sa kanyang sarili."
Hunyo nang kumasa si Pacquiao sa hamon ni Duterte na isiwalat ang mga korapsyon sa kanyang pamahalaan kung meron man, dahil sa kanyang mga alegasyon.
Dahil dito, unang ipinabubusisi ni Pacquiao ang mga ginastos ng Department of Health (DOH) para sa mga rapid test kits, personal protective equipment, masks at iba pa. Kamakailan lang din nang ma-flag ng Commission on Audit ang DOH dahil sa mga "deficiencies" sa P67.32 bilyong pondo ng kagawaran para sa COVID-19 response.
Kinastigo naman ni Digong ang naturang pag-flag ng COA sa DOH at iba pang ahensya ng gobyerno. Aniya, dapat daw ay hindi ito ginagawa hangga't 'di pa natatapos ang kanyang administrasyon kahit taun-taon namang nag-o-audit ang COA.
Bali-balitang tatakbo para sa pagkapangulo si Pacquiao sa 2022 habang kinumpirma naman ni Duterte na tatakbo siya bilang bise sa susunod na taon sa ilalim ng PDP-Laban.