MANILA, Philippines — Parami nang parami ang bilang ng lumalabag sa mga quarantine restrictions sa Kamaynilaan simula nang ipatupad doon ang mahigpit-higpit na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) — bagay na magtatagal pa roon hanggang susunod na linggo sa pagdami ng COVID-19 infections.
Sa panayam ng dzBB, Lunes, sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar na halos 120,000 violators na ang nasisita simula nang ipatupad ito sa Metro Manila noong ika-21 ng Agosto.
Related Stories
"Ang average po na nahuhuli natin or na-accost natin [ay] 13,000. Meaning to say, 117,000 'yung accosted po natin for the past nine days," ani Eleazar kanina, batay sa huli nilang datos nitong Linggo.
Iba't iba naman ang kinasapitan ng mga nahuling lumalabag sa mga panuntunan ng MECQ nitong mga nakaraang linggo:
- winarningan lang (61%)
- na-cite, pinag-multa o tiniketan (33%)
- dinala sa presinto para sa ibang paglabag (5%)
Kasama sa mga naturang nahuling paglabag ay kinasasangkutan ng ilang KTV bars at resto bars na tuloy-tuloy sa operasyon kahit curfew na, kasama na ang mga parokyanong kumakain sa mga naturang lugar.
Pagpapalawig ng Metro Manila MECQ
Sabado lang nang iulat ni presidential spokesperson Harry Roque na ie-extend hanggang ika-7 ng Setyembre ang MECQ sa National Capital Region (NCR), kasama na rin ang mga probinsya ng Bataan at Laguna.
Samantala, magsisimula naman ang MECQ sa mga sumusunod na lugar simula Miyerkules hanggang susunod na Martes:
- Apayao
- Ilocos Norte
- Bulacan
- Cavite
- Lucena City
- Rizal
- Aklan
- Iloilo province
- Iloilo City
- Lapu-Lapu City
- Cebu City
- Mandaue City
- Cagayan de Oro City
Sa mga nabanggit na lugar, magkakaroon ng restrictions sa dining, personal care services at religious activities para maiwasan ang hawaan ng COVID-19, bagay na tila pinabibilis ng mas nakahahawang Delta variant ng virus.
Kalahating milyong violations nationwide
Batay sa datos ng PNP, lumalabas na 550,940 violators na ang naitatala, o katumbas ng average na 61,216 kada araw.
Sa NCR Plus naman, na binubuo ng Metro Manila, Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite, nasa 369,243 violators na ang naire-report simula ng pagbabalik ng MECQ. Katumbas 'yan ng 41,027 arawang average.
Umabot na sa 1.95 milyon ang nahahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas, ayon sa mga datos ng Department of Health kahapon. Sa bilang na 'yan, patay na ang 33,109 katao.