Duterte payag na sa casino sa Boracay
MANILA, Philippines — Nag-sorry si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagbabago ng kanyang pananaw sa sugal lalo na mga itinayong pasugalan sa Boracay island sa Aklan.
Aminado si Duterte na may mga babatikos sa kanya dahil dati ay ayaw niya ng sugal pero hinihikayat niya ngayon ang pagbubukas ng gambling house para sa mga turista.
Sinabi ni Duterte na sana ay patawarin siya sa pagbabago ng isip dahil kailangan ng gobyerno ng pera kahit pa ito ay galing sa sugal.
“Patawarin na po ninyo ako for the contradiction. Ngayon po wala tayong pera. Kung saan man tayo makakuha ng pera, kukunin ko. Kung diyan sa gambling, so be it,” ani Duterte.
Unang ipinag-utos ni Duterte kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na ipasara ang lahat ng pasugalan sa Boracay.
Aminado si Duterte na nagkamali siya at nawalan siya ng isang salita. Pero kailangan aniya ngayon ng pera para mapatakbo ang gobyerno.
“Ngayon, kung nagkamali ako, tama ‘yan, nagkamali ako. Kung wala akong isang salita diyan, tama ‘yan, wala akong isang salita diyan. Pero kailangan ko ng pera para patakbuhin ang gobyerno kasi marami akong gagastusan,” ani Duterte.
- Latest