MANILA, Philippines — Binatikos ng Alyansa ng mga Grupong Haligi ng Agham at Teknolohiya Para sa Mamamayan (AGHAM) ang mga hakbang ni Sen. Grace Poe para mahinto ang operasyon ng private motor vehicle inspection centers (PMVICs).
Naniniwala ang consumer advocacy group, sa pangunguna ng presidente na si Angelo Palmones, na may magandang epekto ang PMVICs sa kapaligiran at sa public safety.“PMVICs are the next step in ensuring road safety, as has been institutionalized in all corners of our planet,” pahayag ni Palmones.
“It is time to put an end to the rolling coffins and environmentally unsound vehicles that continue to ply our roads,” dagdag nito.
Sa kaniyang privilege speech, inihayag ni Poe sa Department of Transportation (DOTr) na nagiging sakit sa ulo umano ng mga motorista ang PMVICs sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Kabilang dito ang mahahaba umanong pila sa mga center kung saan hindi nasusunod ang physical distancing, at gastusin kumpara sa tradisyunal na Private Emission Testing Centers (PETCs).
Para kay Palmones, sa PETCs, nakakasanayan ang hindi ligtas na driving conditions. Kung magbabatay lang anya sa PETCs at Land Transportation Office (LTO) District Office visual inspectors para malaman ang roadworthiness ng sasakyan at emission compliance, patuloy lamang aniyang lalala ang sitwasyon sa mga lansangan kaya’t kinakailangan itong mabago.