^

Bansa

'Kung pwede lang': DOH nagsalita sa risk allowance ng non-COVID health workers sa ospital

James Relativo - Philstar.com
'Kung pwede lang': DOH nagsalita sa risk allowance ng non-COVID health workers sa ospital
Health workers from the government-run Philippine General Hospital hold placards as they ask the government to release their risk allowances amid rising Covid-19 coronavirus infections, in Manila on August 26, 2021.
AFP/Ted Aljibe

MANILA, Philippines — Kung Department of Health lang ang masusunod, bibigyan nila ng espsyal na allowance ang mga manggagawang pangkalusugan sa ospital kahit wala sa COVID-19 wards — pero hindi pa raw ito kaya.

Isa kasi sa panawagan ngayon ng Alliance of Health Workers (AHW) na idamay sa "special risk allowance" (SRA) ang mga hospital healthcare workers na araw-araw nae-expose sa maraming pasyente ngunit nasa labas ng COVID-19 sections ng pagamutan.

"Kung pwede lang, we will do that... Sa lahat ng sektor and agencies, kami po sa DOH ang kakampi ng healthcare workers. Healthcare worker din kami," wika ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang media briefing, Biyernes.

"Pero [as] much as we want to give [it] everybody, we are limited by the existing laws and policies that we have right now in the country."

Aniya, nakalagay sa batas na dapat direktang nagsisilbi sa COVID-19 patients ang mga bibigyan ng SRA, bagay na sinusundan naman daw ng DOH.

Hunyo lang nang ilabas ng Department of Budget and Management ang P9.02 bilyon pondo para sa SRA ng healthcare workers na exposed sa COVID-19, bagay na hinugot mula sa Bayanihan 1 at 2. Dapat makatanggap ng P5,000 kada buwang allowance ang mga practitioners mula pampubliko at pribadong sektor mula Disyembre 2020 hanggang Hunyo 2021 dahil dito.

Bilang pampalubag, sinabi naman ni Vergeire na meron naman daw hazard pay ang mga healthcare workers kahit na 'yung mga hindi direktang gumagamit ng COVID-19 patients.

"[M]eron na hong Magna Carta for Healthcare Workers ang ating mga public healthcare workers. Itong magna carta na ito, specific po 'yan sa batas, na sinasabi because healthcare workers are exposed to different risks and hazards... kaya meron na pong hazard pay po talaga ang healthcare workers," dagdag ni DOH official.

"Noong ipinatupad po ang [SRA], it was recognized kasi na this COVID-19 is a special risk na kinakaharap na naman ng ating mga healthcare workers. Kaya po this is on top of the existing hazard pay according to magna carta."

Naiintindihan naman daw ni Vergeire na high risk pa rin sa COVID-19 ang sinumang nagtratrabaho sa ospital dahil sa kalikasan ng ganoong pasilidad, pero kaya nga raw inihihiwalay ng wards ang mga manggagawang pangkalusugan.

Gayunpaman, kwestyon pa rin daw ang mga healthcare workers na pinu-pullout mula sa mga non-COVID-19 wards patungo sa mga COVID wards para mag-duty. Dapat daw isama sa SRA ang mga ganoon, kasama na rin ang mga drivers, utility at nagtutulak ng wheelchair. 

Basta batas mabago, pwede na bigyan ng SRA

Dahil sa ganitong mga problema, nangangako naman daw ang ilang mambabatas na aamyendahan nila ang umiiral na mga batas upang masama na rin ang iba pa sa mga benepisyaryo, ani Vergeire.

"Once the law is amended, we will do that. Wala pong magiging problema 'yan sa atin. Antayin lang po natin na magkaroon po ng kalinawan 'yung mga nakalagay sa batas para naman kami ay makapagbigay nang ayon sa pamantayan at patakaran ng gobyerno," dagdag pa ng DOH official.

Una na rin daw na-flag ng Commission on Audit (COA) ang DOH dahil sa nabigyan ng benepisyo ang ilang "ineligible." 

Ngayong Agosto lang nang masita ng COA ang DOH dahil sa ilang "deficiencies" pagdating sa kanilang paggamit ng P67.32 bilyong pondo na nakalaan para sa COVID-19 response.

Ilang health workers wala pa ring natatanggap

Ika-20 lang ng Agosto nang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat makumpleto ang pagbabayad ng unpaid SRA sa loob ng 10 araw.

Panigurado ni Health Secretary Francisco Duque III, "kaya" naman daw ma-meet ang deadline. Nakapagsumite na rin daw sila ng mga dokumento sa DBM para mailabas ang P311 milyong halaga ng SRA para sa karagdagang 20,156 health workers.

Huwebes lang nang magprotesta ang maraming healthcare workers dahil sa patuloy na pagkakaipit ng release ng kanilang SRA sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Bukod pa riyan, hindi pa rin daw naibibigay ng DOH ang P291.6 milyong COVID-19 benefits para sa healthcare workers ng Philippine General Hospital.

BENEFITS

DEPARTMENT OF HEALTH

HEALTHCARE WORKERS

NOVEL CORONAVIRUS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with