MANILA, Philippines — Emosyonal na humarap sa pagdinig ng Kamara ang presidente ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ngayong araw matapos ang sunud-sunod na banat sa kanila dahil sa bilyung-bilyong utang sa mga ospital.
Sabado nang sabihin ng Private Hospitals Association of the Philippines, Philippine Hospitals Association at Philippine Medical Association na kakalas sila sa PhilHealth dahil sa suspensyon ng pagbabayad sa mga ospital at health care providers na under investigation ang claims.
Related Stories
Sa kabila nito, iginiit ni PhilHealth president Dante Gierran sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability, Huwebes, na personal na humingi ng tawad sa kanya si Philippine Hospitals Association president Dr. Jaime Almora matapos mag-"overreact" sa unpaid claims.
"Ito, sasabihin ko na po, bugbog na po kami. I opened my heart, bugbog na po kami. No less than ‘yan si Dr. Almora, tumawag sa akin, nagsosorry po sa akin na he was just overreacting," ani Gierran kanina sa hearing.
"Ito sasabihin ko na, ano ibig sabihin ng overreacting? Eh, nagoverreact lang pala siya. You see? It’s unfair, Mr. Chair, na kami lahat ang mali."
Lumabas din sa parehong pagdinig na nasa P21.1 bilyon ang kabuuang utang ng naturang Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC) sa mga ospital. Nangako naman sina Gierran na babayaran din naman nila ang naturang halaga.
Una nang pinuna nina Almora ang aniya'y mabagal na disbursement ng COVID-19 claims na hindi ginawa sa ilalim ng debit-credit payment method ng state insurer.
Giit pa ni Gierran, na dating direktor ng National Bureau of Investigation (NBI), na naaapektuhan na ang pamilya't mga kaibigan niya dahil sa pagkundena ng publiko sa kanya at kanilang tanggapan.
"When I came, hindi po ako sanay dito, Mr. Chair. Sa NBI, maganda po ang trabaho namin doon. Hindi ako binugbog ng mga komentaryo doon. Dito kawawa talaga. 'Yung pamliya ko, mga kaibigan ko," sabi niya.
Dati nang inamin ng PhilHealth official na "hindi niya alam ang public health" dahil ang NBI operations daw ang gamay niya.
'Bayaran na agad'
Ngayong buwan lang nang sabihin ni presidential spokesperson Harry Roque na dapat i-settle ng Philhealth ang hospital claims sa lalong madaling panahon lalo na't maaari raw nitong maapektuhan ang pandemic response ng pamahalaan.
"The debts have to be paid because if we don’t, the private hospitals won’t be able to continue treating people who are sick with COVID and we do not have enough public hospitals," ani Roque sa isang press briefing.
"So the appeal of the president, and I’m sure attorney Gierran will listen to this, the claims have to be settled as soon as possible... We need to see results now."
Hulyo 2020 lang nang paratangan ni Thorrsson Montes Keith, dating anti-fraud legal officer ng PhilHealth, na "ibinulsa o mali ang paggastos" ng kanilang executive committee sa P15 bilyong halagang pondo ng tanggapan.
Nangyayari ang lahat ng ito matapos sabihin ni Health Secretary Francisco Duque III na "winarak" sila ng Commission on Audit matapos i-flag ng komisyon ang "deficiencies" ng Department of Health sa P67.3 bilyon nitong COVID-19 funds. — James Relativo