Makabayan Bloc nanlilinlang lang – Esperon

MANILA, Philippines — Nanlilinlang lang umano ang mga miyembro ng Makabayan Bloc sa paulit-ulit na pagsasabing nilulustay lamang ng ibang ahensiya ng pamahalaan ang mga pondong ibinibigay sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Ayon kay National Security Adviser at NTF-ELCAC vice chairman Hermogenes Esperon Jr., ‘diversionary tactics’ ito ng Makabayan Bloc ang upang  itago ang umano’y paglustay nila ng kanilang mga pondong nakukuha sa Kongreso na ipinangtutustos naman sa mga operasyon ng CPP-NPA-NDF.

Sinabi ni Esperon na ginagamit lang ng Makabayan Bloc sa pangunguna ng Gabriela Partylist ang pagpapatawag ng imbestigasyon sa Kongreso hinggil sa ulat ng Commission on Audit (CoA) na ilang ahensiya ng pamahalaan ay may mga pagkukulang sa pagsusumite ng mga dokumento upang suriin ng komisyon.

Hinala ni Esperon, binabawian sila ng Gabriela at Makabayan Bloc matapos ang kanilang pagsasampa ng ‘disqualification case’ laban sa Gabriela dahil sa umano’y pagtanggap nito ng foreign funds na pag­labag sa Saligang Batas at mga panuntunan ng Commission on Elections (Comelec).

Payo ni Esperon, patunayan na lamang  ng Gabriela na hindi sila tumanggap ng mga pondo galing sa mga ibang bansa tulad ng Belgium at ilahad ng Makabayan Bloc kung saan napupunta ang nakukuha nitong pondo bilang mga representante ng Kongreso.

 

Show comments