Kalidad ng indelible ink sa 2022 elections pinatitiyak sa Comelec
MANILA, Philippines — Hiniling ng Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE) sa Commission on Elections (Comelec) na tiyakin ang integridad ng kumpanya na magsu-suplay ng kalidad na indelible ink na gagamitin para sa Halalan2022.
Sinabi ni Jo Perez, spokesperson ng FATE, na kailangang maging masusi ang Comelec sa pagpili ng kontratista upang hindi makalusot ang mababang uri ng indelible ink na posibleng magamit sa mga pandaraya sa darating na national at local elections.
Nagsagawa nitong nakaraang Martes, Agosto 17, ng online bidding ang Comelec na pinangunahan ng Bids and Awards Committee (BAC) sa tulong ng Microsoft teams para sa indelible ink.
Agad na nadiskuwalipika sa bidding ang Ideal Marketing and Arik General Merchandising dahil sa isyung teknikal. Habang ang ASA Color, T and E Enterprises, Topbest Printing, at MCX International ay idineklarang mga eligible bidders.
Ngunit pinag-iingat ngayon ng FATE ang Comelec makaraang makatanggap ng impormasyon na isa sa mga bidder ay mayroon lamang apat na empleyado kaya may pagdududa na agad kung paano nila makukuha ang P72 milyong kontrata at kung paano nila magagampanan ito. Nagpakita rin umano sila ng Mayor’s permit na may gross receipt na “0” ngunit may kinita silang P10 milyon base sa kanilang audited financial report. Nagpapakita umano ito na wala silang idineklarang kita.
Samantala may pag-aalinlangan din ang FATE sa isa pang bidder nang mabatid na motorsiklo ang pangunahing negosyo nito. Sinabi ni Perez na indelible ink ang isu-suplay sa Comelec at hindi motorcycle oil o brake fluid.
- Latest