MANILA, Philippines — Pinangangambahan ng isang grupo ang posibleng pagbaha sa Metro Manila na makakaapekto sa dalawang milyong residente ng mga siyudad ng Bacoor, Las Piñas, at Parañaque sa malawa-kang reclamation projects ng isang mining company.
Ibinunyag ng grupong Pambansang Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) na may kabuuang 1,330 ektarya ng katubigan ang tatambakan ng Century Peak (Metals) Holdings Corp. kung saan 1,043 ektarya rito ay sa Cavite samantalang 287 ektarya naman sa Parañaque City.
Binigyang-diin ng PAMALAKAYA na hindi lamang ang mga coastal community sa Cavite, Las Piñas, at Parañaque ang masasapul ng plano ng Century Peak kundi maging ang 178 pang komunidad sa mga local government unit sa Manila Bay Area.
Sa Cavite pa lamang, 700 pamilya na umano ang mawawalan ng tirahan at kabuhayan dahil mawawala ang kanilang lugar kung saan sila nangingisda, ayon pa sa grupo.
Sinasabi ng ilang eksperto mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang mga nasabing reclamation project ay maaaring makasira sa mga bakawan o mangroves na nagbibigay-proteksiyon sa silangang bahagi ng Metro Manila kapag may bagyo at pagbaha.
Idinagdag pa ng mga eksperto na mababarahan ang malayang pagdaloy ng tubig galing sa Parañaque River, Las Piñas River, Zapote River at Molino River na siyang magdudulot ng matataas na pagbaha.
Ang Century Peak ay isa sa mga mining company na sinuspinde ni ex-DENR Sec. Gina Lopez noong 2016 dahil may mga paglabag umano sa Rapid City Nickel Project at Casiguran Nickel Project sa Dinagat Islands.