BIR sa socmed influencers: Magbayad ng buwis o parusa!

Ang memorandum 97-2021 ng BIR ay para sa lahat ng social media influencer na kumikita sa kanilang mga vlogs sa mga social media site sa YouTube, Facebook, Instagram, Twitter, TikTok, Reddit, at Snapchat.
STAR/File

MANILA, Philippines — Nagbanta kahapon ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na parurusahan ang mga social media influencers na hindi magbabayad ng buwis sa pamahalaan.

Ang memorandum 97-2021 ng BIR ay para sa lahat ng social media influencer na kumikita sa kanilang mga vlogs sa mga social media site sa YouTube, Facebook, Instagram, Twitter, TikTok, Reddit, at Snapchat.

Ayon sa BIR, may ulat din na hindi ang mga ito nagpaparehistro sa BIR o sa alinmang uri ng pagbubuwis at hindi nagdedeklara ng kita mula sa kanilang social media platforms para buwisan.

Niliwanag din ng BIR na ang mga social media influencer ay mga “self-employed person” alinsunod sa section 23 ng National Internal Revenue Code ng 1997 na nagsasabing ang mamamayan ng Pilipinas na naninirahan sa bansa at mga domestic corporations ay dapat magbayad ng buwis mula sa lahat ng kanilang kita mula sa loob at labas ng Pilipinas.

Bukod sa income tax ay “liable” rin ang mga online content creators sa business tax.

Ang mga ayaw magbayad ng buwis ay may multang P500,000 hanggang P10 milyon at kulong na hindi bababa sa 6 na taon ngunit hindi hihigit sa 10 taon.

Inatasan na ng BIR ang lahat ng kanilang tanggapan sa bansa na siyasatin ang mga social media influencer sa kanilang lugar para mapagbuwis.

Show comments