MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 14,610 bagong infection ng coronavirus disease, Lunes, kung kaya't nasa 1,755,846 na sumatutal ang nahahawaan nito sa bansa.
Batay sa mga bagong nakalap na datos ng Kagawaran ng Kalusugan, narito ang bagong mga pasok na datos para araw na ito:
- lahat ng kaso: 1,755,846
- nagpapagaling pa: 106,672, o 6.1% ng total infections
- bagong recover: 10,674, dahilan para maging 1,618,808 na lahat ng gumagaling
- kamamatay lang: 27, na siyang nag-aakyat sa total local death toll sa 30,366
Ikatlong pinakamataas na single-day increase
-
Ngayong araw naitala ang ikatlong pinakamataas na pagtalon ng COVID-19 cases sa Pilipinas sa iisang araw lang (14,610) sa kasaysayan. Inilabas ito matapos ianunsyo ng DOH ang second-highest increase na 14,749 kahapon
-
Kinumpirma ngayong araw ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na taga-Western Visayas ang unang kaso ng "mas nakahahawang" Lambda variant ng COVID-19 sa Pilipinas. Maliban pa rito, siya'y buntis. Gayunpaman, tagged as "recovered" na ang kaso.
-
Ngayong patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, maging si Philippine National Police Police Gen. Guillermo Eleazar ay nakikiusap na sa publikong 'wag mag-hoard ng oxygen tanks at medical equipment, bagay na magagamit pa raw sa gitna ng krisis.
-
Sa pagpapatuloy ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas, umabot na sa P3.29 bilyon ang ayudang inilalabas ng gobyerno para sa mga residenteng apektado nito. Gayunpaman, 29.31% pa lang ito ng kabuuan.
-
Inilinaw naman ni presidential spokesperson Harry Roque na wala pang mungkahi ang mga Metro Manila mayors sa susunod na quarantine restrictions sa capital region. Matatandaang nakatakdang magtapos ang ECQ sa Kamaynilaan ngayong Biyernes.
-
Wika pa ni Roque, papalapit na nang papalapit ang National Capital Region sa vaccination target nito na 250,000 kada araw. Aniya, umaabot na ang Metro Manila sa 230,000/day: "We're on our way to vaccinating at least 50 percent of our population in Metro Manila," sambit niya.
-
Bagama't pinaghihinalaang si Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso ang pinaghihinalaang negatibong pinaringgan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong isang linggo, inilinaw ng Palasyo na panalangin nila ngayon ang agaran niyang paggaling mula sa COVID-19.
-
Umabot na sa 205.33 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa buong daigdig, ayon sa huling datos ng World Health Organization. Sa bilang na 'yan, patay na ang 4.33 milyong katao.
— James Relativo at may mga ulat mula kina Franco Luna at The STAR/Alexis Romero