MANILA, Philippines — Nagdadalang-tao ang unang kaso ng "Lambda variant" ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, bagay na maaaaring sa loob na raw ng bansa naipasa sabi ng Department of Health (DOH).
Linggo lang nang kumpirmahin ng DOH na isang 35-anyos na babae ang nadali ng Lambda variant, na unang namataan sa Peru. Sinasabing wala siyang sintomas at gumaling na matapos ang 10-day isolation period.
Related Stories
"Siya po ay currently nandun po sa lugar nila and we are trying to coordinate, apparently, based on record, she is also pregnant," ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, Lunes.
"Sa ngayon, ang aming pinaka-probable na classification sa kanya mukhang local case talaga ito. Ngayon itong local case na ito nasa Region VI (Western Visayas) siya at amin Pong vina-validate pa further ang lahat ng impormasyon sa ngayon."
Ika-22 ng Hulyo pa raw ito na-diagnose sa pamamagitan ng RT-PCR, habang nakapagsagawa naman na ng contact tracing at iba pang aksyon.
Sa kabila nito, idadaan pa naman daw nila sa verification ang babae sa pamamagitan ng RT-PCR test. Nakikipag-ugnayan na rin daw nang mahigpit ang DOH sa city health office ng naturang kaso.
"Ang aming most probable is the local case. Kasi nakita po natin siya within the persons in the community at kasama po siya sa na-sequence dahil apparently may cluster, kaya kasama siya sa na-sequence," dagdag ni Vergeire.
"Kinukuha rin namin ang status ng kanyang pagbabakuna."
Kamakailan lang nang isama ng gobyerno ang mga buntis sa listahan ng "expanded" A3 comorbidities priority group para maisama sa mga inuunang bakunahan laban sa COVID-19. Ligtas naman daw ito sa mga nagdadalang-tao maliban na lang sa Sputnik V vaccine ng amaleya Research Institute.
Lambda variant? Ano naman 'yan?
Ayon sa mga nasusulat, posibleng "highly transmissible" o madaling maipasa sa isang tao patungo sa isa pa ang Lambda variant ng COVID-19. Hindi pa ito "variant of concern" sa ngayon ngunit "variant of interest" pa lang para sa World Health Organization.
Bagama't inihahalintulad ng ilan sa lubhang nakahahawang Delta variant, sinasabi ni Vergeire na maaaring wala sa parehong antas ang dalawan.
"'Yung kanyang spread across the 26 countries where it is already identified, nakita natin... mostly in Latin America, na hindi ganoon kabilis ang spread niya as compared with the Delta," wika niya. Aniya, mas laganap pa rin ang Delta sa mga bansa kung saan nagsimula na itong ma-detect.
"Ito pong Lambda variant can affect vaccine's [efficacy] apparently, sinasabi. Pero ang lagi nating ipinapaalala, most of the variants of concern that we have right now affects the efficacy of vaccines."
Sa kabila nito, meron pa rin naman daw cell-mediated immunity (T cells) na hindi naaapektuhan ng variants, na natitirang panlaban ng mga tao laban sa COVID-19 galing sa bakuna.
Umabot na sa 1.74 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas kahapon. Sa bilang na 'yan, patay na ang 30,340.