APOR lang ang pwedeng lumabas - Gen. De Leon
MANILA, Philippines — Ipinaalala ni Philippine National Police (PNP) Region 3 Chief PBGen. Valeriano De Leon na mga Authorized Persons Outside Residence (APOR) lamang ang puwedeng lumabas sa Central Luzon.
Ayon kay De Leon, tila hindi alintana ng mga residente ang banta ng COVID-19 at lumalabas pa rin ng kanilang mga bahay kahit hindi naman kailangan.
Aniya, marami pa ring nahaharang sa checkpoint o nasisita sa kalsada na hindi APOR na nagbibigay ng posibilidad ng pagkalat ng virus.
“Imbes kasi na makatulong para mapigilan ang pagkalat ng COVID nagiging dagdag sila sa mga maaaring carrier o spreader ng virus,” ani De Leon.
Paliwanag ni De Leon, kooperasyon ng publiko ang kanilang kailangan upang mas maging madaling matapos ang pandemya.
Humihingi rin siya ng pang-unawa sa mga APOR na natatagalan sa mga checkpoint.
Ani De Leon, daragdagan pa niya ang mga tao niya na mag-iinspeksyon sa mga APOR ID at quarantine pass sa mga control point.
- Latest