MANILA, Philippines — Tiniyak ni Health Secretary Francisco Duque III na patuloy na tinutugunan ng ahensiya ang kakulangan ng health care workers lalo na ngayong sumisipa ang mga kaso ng COVID-19 na pinaniniwalaang dala ng Delta variant.
Isa sa malaking salik sa mga limitasyon ng mga ospital ang kakulangan ng mga nurse para makapag-expand ng kanilang bed capacity.
Nitong Agosto 13 nang magtala ang DOH ng 13,177 COVID cases sa bansa. Sa kabuuan, nasa 1,713,302 ang kumpirmadong kaso sa Pilipinas, kung saan 96,395 ang aktibong mga kaso.
“Parang ‘yung ginawa natin nung nag-surge tayo ng March-April, kumuha tayo ng health care workers from the Visayas and Mindanao. Sila maliit ang kaso, nagpadala sila ng mga tao,” aniya.
Kaugnay nito, sa kabila ng pagpalo sa napakataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa nakalipas na Biyernes, hindi pa rin nila masasabi kung dapat pang palawigin ang ECQ na magtatapos sa Agosto 20.
Kailangan aniyang hintayin pa ang pag-reevaluate ng technical group of experts at mga data analytics group para malaman ang trend.
Kinumpirma niya na may pagtaas at patuloy yung community transmission ng mga COVID-19 infections kaya dapat na mag-ingat ang bawat isa.