Nurses, health workers nagbanta ng mass resignation
MANILA, Philippines — Nagbanta ang mga nurses at healthcare workers na magsasagawa ng ‘mass resignation’ kung patuloy na hindi nila matatanggap ang ‘special risk allowance’ mula sa Department of Health (DOH).
Ayon kay Filipino Nurses United (FNU) president Maristela Abenojar, tototohanin na ng mga nurses partikular sa mga pribadong pagamutan ang banta na mass resignation dahil noong nakaraang taon pa hindi nailalabas ang naturang benepisyo.
Partikular ito sa special risk allowance (SRA) na nakapaloob sa Bayanihan Law para sa mga medical frontliners na P5,000 kada buwan.
Bukod dito, giit rin ng mga private nurses na tulad ng mga nurse sa mga pampublikong pagamutan, mabigyan rin sila ng active hazard duty day (AHDP) na P3,000 kada buwan.
“Under the Bayanihan, only those in the public sector shall receive AHDP. But when they attend to COVID-19 patients, it does not matter if you are from private or government. The risk is the same,” paliwanag pa ni Abenojar.
Sinabi naman ni Alliance of Health Workers (AHW) president Robert Mendoza na may ilan na rin sa kanila ang nag-iisip nang mag-early retirement dahil wala namang sapat na proteksyon na natatanggap sila sa pamahalaan.
Nagbanta siya na babagsak ang healthcare system kapag itinuloy ng mga medical frontliners sa pribadong sektor ang kanilang mga banta.
Tugon naman ni DOH Secretary Francisco Duque III na unti-unti nang inilalabas ang mga hinihinging mga benepisyo ng pribadong medical workers.
- Latest