MANILA, Philippines — Nanguna si House Speaker Lord Allan Velasco sa job performance rating sa isinagawang nationwide survey ng RP-Mission and Development Foundation Inc. (RPMD) sa mahigit 300 Kongresista ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ito’y matapos ang paglalabas ng nationwide assessment ng City Mayors at Governors kung saan isinunod na isinalang sa nationwide survey ang over-all performance ng mga mambabatas sa Kamara.
Si Velasco (Marinduque, Lone District) ay nakakuha ng 85% job performance rating at nanguna bilang Top District Representative sa buong Pilipinas. Pumangalawa si San Juan Cong. Ronnie Zamora (80%); Cebu Cong. Pablo John Garcia (78%); Nueva Ecija Cong. Michaela Violago (74%) at Ilocos Sur Cong. Kristine Singson-Meehan (70%).
Pang-anim si Majority Floor Leader Cong. Ferdinand Martin Romualdez (68%); Cagayan de Oro Rep. Rufus B. Rodriguez (67%); Davao City Cong. Paolo Duterte (65%); Sorsogon Cong. Evelina Escudero (64%) at pang-10 si Sarangani Cong. Rogelio Pacquiao (62%).
Sa National Capital Region (NCR), nanguna si San Juan Cong. Ronnie Zamora (80%), pangalawa si Las Piñas Cong. Camille Villar (71%); Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano (70%); Navotas Cong. John Reynald Tiangco (68%) at Quezon City 6th District Cong. Jose Christopher Belmonte (67%).
“The Top 10 Congressmen/Congresswomen of the Philippines should be recognized for their outstanding performance, including the House Speaker,” ayon kay Dr. Paul Martinez, Executive Director ng RPMD.