Universal vaccine cards hirit
MANILA, Philippines — Dapat magkaroon na ng universal vaccine cards na magpapatunay na kumpleto na ang bakuna laban sa COVID-19 at kikilalanin maging sa labas ng bansa.
Inihayag ito ni Presidential spokesperson Harry Roque matapos mapaulat na hindi umano kinikilala ng gobyerno ng Hong Kong ang vaccine cards ng mga overseas Filipino workers na bigay ng mga local government units.
Ayon kay Roque, sa pagkakaalam niya ay gumagawa na ng paraan ang International Air Transport Association (IATA) at iginiit na niya sa Department of Health na makipagtulungan sa World Health Organization para magkaroon ng standard vaccination cards na tatanggapin ng lahat.
Iminungkahi rin ni Roque ang paggamit ng yellow quarantine book na ibinibigay ng Bureau of Quarantine na maaring magamit sa paglabas ng bansa.
Nangako rin si Roque na isasangguni niya ang isyu sa Inter-Agency Task Force para sa pagpapalabas ng vaccination cards na kikilalanin sa ibang bansa katulad ng kanyang yellow card.
- Latest