Isko Moreno nakikitang banta sa '2022 Duterte Dynasty' kaya inatake, sabi ng Makabayan
MANILA, Philippines — Eleksyon talaga ang dahilan kung bakit inaatake ni Pangulong Rodrigo Duterte si Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso sa ngayon, ayon sa pahayag ng progresibong Makabayan bloc sa Kamara.
Ito ang sabi ng mga militanteng kinatawan matapos bantaan ni Digong ang isang hindi pinangalanan "palahubad" na Metro Manila mayor, na hindi raw marunong mag-organisa nang maayos na COVID-19 vaccination.
Dahil dito, binantaan ang mayor (na pinaghihinalaang si Domagoso dahil sa dating sexy actor background) na pagbawalang mamahagi ng P1,000 lockdown ayuda simula ngayong araw.
"It is disgraceful that President Duterte resorted to personal attacks against Mayor Isko not because the LGU chief has failed in his work, but because he is perceived by the president as a threat to his plan of having a Duterte Dynasty by 2022," ayon sa Makabayan, Miyerkules.
Usap-usapan kasi ngayon na tatakbo sa pagkapangulo si presidential daughter Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa 2022 habang pormal na ineendorso ng partidong PDP-Laban si Digong sa pagkabise presidente.
Kasalukuyang No. 1 sa 2022 presidential survey ng Pulse Asia si Duterte-Carpio habang no. 2 naman si Domagoso.
Una nang sinagot ni Domagoso ang mga alegasyong siya ang binabantan ni Duterte, at sinabing pinarangalan pa ang kanilang lungsod ng Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil sa "episyente" at "mabilis na pagkumpleto" ng pamamahagi ng mga nakaraang lockdown cash aid.
"If there is a 'mayor' who is disorganized in its aid distribution and pandemic response that is no one else but '[former Davao] Mayor Duterte' himself. Isn’t it because of his leadership that the government failed to release more than Php10-billion cash aid under Bayanihan 1 and 2?" patuloy ng Makabayan.
Ayudahan sa Maynila natuloy ngayong araw
Sa kabila ng takot na mapupurnada ang pamamahagi ng Manila local government unit (LGU) sa ayuda ngayong araw, nagpatuloy ito kaninang umaga, na siyang pinangunahan ng Manila Department of Social Welfare.
"Sinimulan na po natin ngayong araw ang pamamahagi ng tig-P4,000 na ayuda mula sa pambansang pamahalan na inilaan para sa mga pamilyang Manilenyo na apektado ng [Enhanced Community Quarantine]," ani Domagoso kanina.
"May schedule po tayong itinakda sa bawat barangay upang maiwasan ang siksikan. Antabayanan lamang po ninyo ang pagdating ng [Manila Department of Social Welfare] staff sa inyong mga komunidad sa susunod pang mga araw para sa distribusyon ng ayuda sa inyong lugar."
Nakatuwang nila ang Department of Social Welfare and Development, Department of the Interior and Local Government at Department of National Defense sa nangyaring pamamahagi.
Cavite panig kay Isko
Dinepensahan din ni Cavite Gov. Jonvic Remulla si Domagoso kanina, at sinabing hindi na dapat pinepersonal ang Manila mayor dahil sa dati niyang pagpapa-sexy sa pinilakang tabing — mas maganda raw na tignan ang kanyang trabaho.
"Noong dekada ’90, siya ay sumabak sa larangan ng showbiz bilang si 'Isko Moreno.' Malamang ay marami sa inyo ang nakakaalala sa That’s Entertainment. Sa palagay ko, ang nais lamang ni Yorme noong mga panahon na iyon ay ang maiahon ang kanyang pamilya sa kahirapan," ani Remulla.
"Dahil sa kanyang pag-aartista, hindi maiiwasang maraming sensitibong larawan ang nagkalat sa internet ngayon. Ngunit lahat ng ito ay kuha noong siya ay nagsisimula pa lamang."
Kanyang pagdidiin, hindi siya naghubad para sa mga larawan noong siya'y naging konsehal, bise alkade at alkalde.
Ang mahalaga raw sa ngayon ay "hindi siya nagsinungaling, hindi nagnakaw at hindi pumatay." Nababatikos ang administrasyong Duterte sa ngayon dahil sa isyu ng umano'y extrajudicial killings ng drug personalities at mga aktibista.
- Latest