Palasyo: Duterte 'walang pinarurusahan' kahit LGU binawian ng awtoridad sa ayuda

Residents line up to claim the P8,000 in cash assistance provided by the government for poor families affected by the enhanced community quarantine at the Baseco compound in Tondo, Manila last May 2020

MANILA, Philippines — Naninindigan ang Malacañang na wala itong pine-penalize kaugnay ng desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalan ng kapangyarihang mamahagi ng ayuda ang isang local government unit (LGU) sa National Capital Region (NCR).

Ito ang inilinaw ni presidential spokesperson Harry Roque matapos birahin ni Digong ang isang Metro Manila mayor na "hindi raw marunong mag-organisa," "panay reklamo" at "palahubad" nitong Lunes ng gabi. Hinala ng ilan, si Manila Mayor Isko Moreno ito, na dating sexy actor.

"We're not imposing any sanctions on anyone. Sinisiguro lang natin na hindi mangyayari [sa cash aid distribution] 'yung kaguluhan na nakita ni presidente sa larawan [ng COVID-19 vaccinations sa isang lungsod," ani Roque, Martes.

"That is why ipinadadaan po through an alternative distribution scheme. Wala po tayong pinaparusahan, wala tayong nililitis."
 
Sinabi ito ni Roque isang araw bago magsimula ang pamamahagi ng P1,000 cash aid para sa mga apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila. 

Narito mismo ang sinabi ni Digong nang banatan ang naturang NCR mayor, na pinatatanggalan niya ngayon ng kapangyarihang mamahagi ng pera bukas:

"Iyong kay [MMDA Chairman Benhur Abalos], may isa akong siyudad diyan na hindi ko bibigyan ng power to distribute ‘yung ayuda simply because in so many instances, they cannot organize... And, you know, it has happened several times and several times he has blamed other people other than himself."

Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang magsiksikan ang ilang tao sa Maynila at iba pang NCR vaccination sites sa takot na hindi makakukuha ng ayuda o papayagang makalabas ng bahay. Isiinisi ito ni Mayor Isko sa isang personalidad na nananakot diumano, bagay na ginawa ni Duterte kamakailan sa mga ayaw pabakuna.

'Walang pinapangalanan si Duterte ah?'

Sa kabila ng mga espekulasyong si Isko Moreno ang pinatatamaan ni Roque, ayaw diretsuhin ng tagapagsalita ni Duterte kung ang Manila mayor ba o hindi ang kanyang tinutukoy.

Kahit hindi pinapangalanan ni Digong, alam ng lahat na si Moreno lang ang nag-iisang sexy star na naging alkalde sa Kamaynilaan sa kasalukuyan.

"I cannot confirm that because I am not able to confirm it. The president cannot didn't name him, so be it," dagdag ng tagapagsalita ni Duterte.

"Ang reklamo ni presidente, hindi niya [Metro Manila mayor] maipatupad 'yung mabuting pagbabakuna... Nakita po natin sa mga larawan 'yan... Naisip ng presidente na kung ganito rin ang mangyayari distribution ng ayuda, eh baka lalong dumami pa ang COVID cases."

Kanina lang nang magpaskil si Mayor ng Isko ng mga certificate of recognition na magpapatunay na "episyente at mabilis nilang nakukumpleto ang pamamahagi ng ayuda" sa Maynila, bagay na iginawad sa kanila ng DILG.

Sa kabila ng lahat ng ito, tinitiyak ni Roque na "hindi gigipitin" ang Lungsod ng Maynila at hindi magkakaroon ng aberya sa pamamahagi ng ayuda bukas. Hindi naman sumasagot si Mayor Isko sa reporters kung pupunta siya sa ayuda distributions bukas.

Reaksyon ng Aksyon Demokratiko

Nanggagalaiti naman ngayon ang partido pulitikal na Aksyon Demokratiko kanina, na magiging partido pulitikal ni Domagoso sa 2022, kaugnay ng diumano'y "pamumulitika" ni Duterte sa pamamahagi ng ayuda.

"Huwag isangkalan ang serbisyo, kalinga, at ayuda na nararapat para sa ating mga kababayan. Tigilan ang pamumulitika at huwag gamitin ang pandemya upang isulong ang politikal at personal na interes para sa sariling pamilya," ayon sa grupo kanina.

"Gumising na sana ang pangulo sa katotohanan na nasa gitna tayo ng pandemya at kailangan natin ang isang lider na tunay mamumuno at uunahin muna ang pangangailangan ng ating mga kababayan."

 

Si Isko Moreno, na kilala sa totoo niyang pangalang Francisco Domagoso, ay kasalukuyang no. 2 sa 2022 presidential survey ng Pulse Asia kamakailan, na siyang kasunod ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na nangunguna ngayon.

Matatandaang ipinatupad ang ECQ sa Metro Manila at iba pang mga probinsya sa kasalukuyan dahil sa patuloy na pananalasaq ng COVID-19 pandemic sa Pilipinas, bagay na humawa na sa 1.67 milyong katao at pumatay sa 29,220. — may mga ulat mula kay Xave Gregorio 

Show comments