MANILA, Philippines — Maaari na agad-agad mamigay ng ayuda ang mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region (NCR) sa gitna ng muling pagpapatupad ng pinakamahihigpit na COVID-19 lockdowns sa loob ng 15-araw, pagtitiyak ng Department of the Interior and Local Government at Malacañang ngayong araw.
Hindi kasi makaka-operate ang maraming negosyo at trabaho ngayong ECQ, dahilan para mawalan sila ng trabaho at kikitaain. Dahil dito, nagdesisyon ang gobyernong maglaan ng P1,000 sa mga residenteng nasa ilalim ng ECQ, bagay na maaaring umabot ng P4,000 kada kabahayan.
Related Stories
"At doon po sa mga meeting na 'yon, we informed the various mayors na nandoon na po, naibaba na 'yung pondo sa kanilang mga [local government units] at pwede na po silang magsimula ng pamimigay." ani Interior Undersecretary Jonathan Malaya, Lunes.
"[S]a meeting ng mga NCR mayors, napagkasunduan po nila na magsimula sa Miyerkules [ang aid distribution]. So sa Miyerkules po, imo-monitor po 'yan ng [Department of Social Welfare and Development], ng DILG ang actual na distribution ng mga ayuda sa ating mga kababayan sa National Capital Region."
Bibigyan naman daw nila ng 15 araw na palugit para makumpleto ang distribusyon ng ayuda sa mga apektadong lugar ng lockdown. Gayunpaman, pwedeng mag-request ang mga LGU ng extension kung mahirapan silang mamahagi dahil sa banta ng COVID-19 at mas nakahahawa nitong Delta variant.
Magpapatupad naman ng social distancing at iiwasan ang kumpul-kumpulan oras na magkaroon na ng pamamahagi ng cash aid. Imomobilisa naman ang mga barangay tanod at mga kawani ng Philippine National Police para mapatupad ang mga healthcare protocols.
Maliban sa Metro Manila, nasa ilalim na rin ng ECQ ang ilang lugar gaya ng Laguna, Iloilo city, Cagayan de Oro at Bataan sa ECQ, na siyang makakakuha rin ang ayuda.
Pwede kahit bago Wednesday mamigay
"Bagama't ang pinagkasunduan nila ay Miyerkules, wala naman hong prohibisyon doon sa mga pamahalaang lokal na magdistribute nang mas maaga kung kakayanin nila," dagdag naman ni presidential spokesperson Harry Roque sa isang media briefing ngayong hapon.
Sinang-ayunan naman 'yan ni Malaya at sinabing magsisimula ang 15-day deadline oras na magsimulang mamigay ng ayuda ang mga Metro Manila governments bago pa man mag-Miyerkules.
Bahala na rin daw ang LGUs kung paano ito maipapamahagi sa pinakamabilis at pinaka-episyenteng paraan, alinsunod sa joint memorandum circular ng DSWD, DILG at PNP.
Laguna at Bataan damay na rin sa ayuda
Aprubado naman na ang P2.715 milyong pondong mungkahi ng Department of Budget and Management (DBM) para sa ayudang ilalan para sa probinsya ng Laguna na nasa ECQ rin, ayon kay Roque.
"Meanwhile sa Bataan po, ang total cash aid ay kino-compute pa po based on ongoing consultations with the DILG and the Bataan LGU," sabi ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte.
"So ganoon din po ang magiging arrangements natin, P1,000 per person and a maximum of P4,000 per household."
Matatandaang naitala ang 15-year record pagdating sa unemployment sa Pilipinas nitong 2020 dahil sa epekto ng ECQ at sari-sari pang quarantine restrictions sa kabuhayan.
Sa huling tala ng Department of Health nitong Linggo, umabot na sa 1.65 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 habang 29,122 naman sa kanila ang patay na.