9 sa 10 pasyente sa ICU, ‘di bakunado
MANILA, Philippines — Siyam sa sampung pasyente na nakaratay sa mga intensive care units ng mga pagamutan sa buong bansa ay hindi pa mga bakunado.
Dahil dito, muling nanawagan ang isang medical adviser ng National Task Force against COVID-19 sa mga senior citizen at mga may comorbidities na magpabakuna na .
Sinabi ni Dr. Ted Herbosa na napakataas ng tsansa na malagay sa ICU ang isang COVID positive na walang bakuna dahil sa walang proteksyon laban sa mas malalang sintomas ng virus.
‘Yung may bakuna, mild lang, may sipon lang. Hindi nila kailangan ma-ospital, doon lang sila sa isolation facilities,” ayon kay Herbosa.
Nanawagan din si Herbosa na madaliin na ang target na mabakunahan ang 50% ng populasyon ng Metro Manila at samantalahin na nasa ilalim ito ngayon ng ‘enhanced community quarantine (ECQ)’.
Nitong Agosto 5, inihayag ng pamahalaan na umabot na sa 10.28 milyong Pilipino ang kumpleto na ang bakuna ngunit malayo pa rin sa target para maabot ang ‘herd immunity’.
- Latest