MANILA, Philippines — Hindi papayagang makabalik ang mga residente ng Metro Manila na nag-out of town habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon kay PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar, ito ang dahilan kaya naglagay ng mga border sa NCR Plus. Aniya, patatapusin muna ang ECQ at hintaying ideklara ang general community quarantine (GCQ).
Muli namang nilinaw ni Eleazar na ang mga authorized persons outside residence (APOR) o essential workers ay pinapayagan namang makapasok ng NCR. Iniiwasan aniya nilang magkaroon ng exodus kung maglalabas-pasok ang lahat at hindi alintana ang ipinatutupad na ECQ at banta ng pandemya.
Samantala, posibleng arestuhin ang mga health protocol violator na ‘pasaway to the max’.
Bagama’t utos niyang ipatupad ang maximum tolerance, sinabi ni Eleazar na wala na silang magagawa kung sagad na sa paglabag ang isang indibiduwal sa kabila ng pinaiiral na ECQ.