MANILA, Philippines — Nagamit nang maayos at hindi ibinulsa — 'yan ang paliwanag ng Department of Health (DOH) sa halaga ng perang nakalaan para sa COVID-19 response na napuna ng Commission on Audit (COA) na may "deficiencies" sa management.
Ito ang naging assessment ng COA sa nasa P67.32 bilyong pondo sa 2020 report nito ngayong Miyerkules.
Related Stories
"The P67.3 billion is accounted for. Wala pong kinurakot, inilaan natin ang mga pondong ito para sa ating mga kababayan. The flagged issues are being addressed by the DOH," ayon kay Health Secretary Francisco Duque III kanina.
"Rest assured, that the funds allotted to the DOH are all spent for the procurement of test kits, PPEs, payment of HCWs benefits, salaries of HRH among others."
Dagdag pa ng kagarawan, sa P79.7 bilyong COVID funds na nakuha ng ahensya batay sa COA reports, P68.9 bilyon na ang nagamit noong ika-31 ng Disyembre, 2020.
Nagamit pa raw ng DOH ang unobligated balance ngayong taon sa pagpapatupad ng Republic Act of 11519 na magpapalawig sa availability ng appropriations sa Bayanihan 2.
Posibleng imbestigasyon
Maaaring manghimasok ang Task Force Against Corruption para sa isang "anti-graft probe" oras na hindi raw makapaghain ng paliwanag ang DOH pagdating sa isyu, ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra kanina.
"In case of unjustified failure to comply or render an acceptable explanation, however, responsible officials of the agency may be held liable not only for infractions of accounting and auditing rules and regulations," ani Guevarra, na bahagi ng kagawarang nangunguna sa task force.
Kung bigo ang DOH makapagbigay ng makatwirang paliwanag, pwede raw akusahan ang mga ahensya at opisyal ng "seryosong paglabag sa batas," gaya ng hindi pagsunod sa anti-graft at government procurement laws. Kapag nangyari ito, pwede na raw pumasok ang TFAC.
Bukas at nakikipag-ugnayan naman din daw ang kanilang tanggapan sa taunang auditing efforts sa loob ng gobyerno, habang sumusunod sa mga mungkahi ng COA.
"We take our COA findings very seriously and have been working to further improve our processes and controls so that we can serve the public most effectively especially during this pandemic," ani Duque. — James Relativo