^

Bansa

Malacañang aaralin kung 'napakong insentibo' ni Onyok Velasco maihahabol

James Relativo - Philstar.com

MANILA, Philippines — Titignan ngayon ng Palasyo kung may magagawa pa ito upang maibigay ang mga pangakong insentibo na hindi naibigay ng gobyerno sa isang atletang nagbigay ng karangalan at medalya sa Pilipinas noong dekada '90.

Taong 1996 kasi nang manalo ng silver medal ang Pinoy boxer na si Mansueto "Onyok" Velasco sa Atlanta Olympics. Pero hindi nakarating sa kanya ang P2.5 milyong ipinangako ng Konggreso noon. 

Pagbabahagi niya pa sa panayam ng GMA News noong nakaraang linggo, pinangakuan din siya ng "lifetime allowance" na P10,000 kada buwan ng isang negosyante pero natigil din ito matapos ang isang taon. Bukod pa 'yan sa pangakong scholarships ng Philippine Navy sa dalawa niyang anak noon.

"Napakahirap kasing mangako ng nakalipas na administrasyon. Pero unang-una po, ite-trace po natin kung kailan 'yung effectivity na law na nagbibigay ng P10 million," ani presidential spokesperson Harry Roque sa isang media briefing, Huwebes.

"Iche-check ko po. Ang aking masasasabi, iche-check po natin kung merong retroactive effect 'yung P10 million na ibinibigay ng gobyerno, because I am not sure."

Tinutukoy niya ang Republic Act 10699 o "National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act," na siyang magbibigay ng milyun-milyon ngayon kina Hidilyn Diaz, Nesthy Petecio, Carlo Paalam at Eumir Marcial.

Kahit P10 milyon ang sinasabi ni Roque, P5 milyon lang ang tiyak na ibibigay ng nasabing batas sa mga nananalo ng pilak tuwing Summer at Winter Olympic Games.

"[I]pagbibigay-alam ko po ito sa presidente [Rodrigo Duterte], kung si Onyok Velasco na nanalo ng silver sa ibang administrasyon na hindi nakakuha po ng kanyang pabuya... Baka naman mabigyan siya ng pabuya," dagdag ni Roque.

"Pero kapabayaan po 'yan ng gobyerno na hindi nagbigay sa kanya ng pabuya."

Administrasyon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noong magwagi si Onyok. Gayunpaman, taong 2015 naipasa ang RA 10699 na nag-repeal sa 2001 law na RA 9064.

Tumutukoy ang konsepto ng "retroactivity" sa paglalapat ng batas kahit sa mga panahong hindi pa ito naipapasa.

'May house and lot, pero walang titulo'

Bagama't napako ang maraming pangako kay Onyok, una na niyang sinabi na meron namang natupad sa mga ito. Kasama na nga rito ang pledge na bahay at lupa. Ang problema, wala itong titulo.

"Ang inaano ko na lang sana, yung titulo lang mai-transfer na ba, kasi nakatira ako doon sa bahay, mamaya bigla akong palayasin doon," ayon sa Olympic medalist.

"Joke joke namin lagi, pinangakuan ka na, gusto mo pa tuparin pa. Dapat matuwa ka na kasi pinangakuan ka na eh," pagbibiro niya pa.

Umaasa ngayon si Velasco na maibibigay ang lahat ng sari-saring pangako at pribilehiyo sa mga nanalo ng medalya ngayong taon, na hindi sila magaya sa kanya.

Agad na nagretiro si Onyok mula sa boxing matapos ng Olympics at naging komedyante na lang noon sa showbiz. Focus na rin siya ngayon sa kanyang pamilya.

BOXING

HARRY ROQUE

OLYMPICS

ONYOK VELASCO

RODRIGO DUTERTE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with