MANILA, Philippines — Aprubado na sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Kamara ang panukalang magtatatag sa Philippine Center for Disease Prevention and Control (CDC) na kabilang sa sinabing prayoridad ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Sa botong 193 yes at anim na kontra ay pasado na ang House Bill No. 9560 o CDC na inihain ni Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan.
Ayon kay Tan, malaki ang magagawa ng panukala para paghandaan ang anumang pandemyang posibleng dumating tulad ng COVID-19 na problema ngayon ng buong mundo.
Nagpasalamat naman ang mambabatas na chairperson ng House Committee on Health kay Pangulong Duterte, Speaker Lord Allan Velasco at House Majority Leader at Leyte 1st District Rep. Martin G. Romualdez dahil sa suportang ibinigay upang maisabatas ang panukala.
“The bill seeks to modernize the country’s capabilities for public health emergency preparedness and strengthen the current bureaucracy that is mandated to address communicable diseases in the country through organizational and institutional reforms,” ani Tan.
Sa kanyang sponsorship speech, binigyang-diin ni Tan ang kahalagahan na pagyamanin pa nang husto ang kasanayan at kaalaman ng health personnel laban sa ibat-ibang mga sakit sa bansa.