MANILA, Philippines (Updated 11:46 a.m.) — Ibabalik uli sa pinakamahigpit na lockdown ang National Capital Region (NCR) dahil sa lumalalang pasahan ng COVID-19 dahil sa mas nakahahawang variant simula susunod na Biyernes.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, ilalagay uli sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila simula ika-6 hanggang ika-20 ng Agosto.
Health Sec. Francisco Duque III warns of additional “stricter” quarantine measures in Metro Manila due to the threat of the highly contagious Delta COVID-19 variant. Duque said announcements will be made today. (via News5/@JCCosico) pic.twitter.com/pCJMHPvzlB
— ONE News PH (@onenewsph) July 30, 2021
"Hindi po naging madali ang desisyon na ito ha. Maraming oras ang iginugol para pagdebatihan ang bagay na ito dahil binabalanse nga natin 'yung pagpapabagal ng pagkalat ng COVID-19 dahil sa Delta variant at 'yung karapatan natin na mabuhay at maiwasan mabawasan ang hanay ng mga nagugutom," ani Roque, Biyernes sa PTV4.
"[A]lam natin na mahirap ang ECQ, pero kinakailangang gawin po ito para maiwasan 'yung kakulangan ng ICU beds at iba pang hospital requirements... para mas maraming buhay ang mailigtas."
Mananatili muna sa general community quarantine (with additional heightened restrictions) ang Kamaynilaan simula ngayon hanggang ika-5 ng Agosto bago magtransisyon patungong ECQ.
Mga bawal sa GCQ ng NCR sa NCR bago mag-ECQ
'Di katulad ng ibang nasa GCQ with heightened restrictions, mas mahigpit ang ipatutupad na porma nito sa Metro Manila simula ngayon hanggang next week.
Kabilang sa mga pagbabawalan mula ngayon hanggang ika-5 ng Agosto sa Metro Manila ang:
- indoor dine-in services
- al fresco dining (open air na kainan sa labas)
- operasyon ng indoor sports courts at venues
- operasyon ng indoor tourist attractions at specialized markets ng Department of Tourism
- religious gatherings
Sa mga nagtratrabaho sa mga restawran, hahayaan munang patapusin ang kanilang mga shift ngayong araw, ayon kayu Roque. Papayagan naman ang 30% venue capacity sa ngayon sa mga outdoor tourist attractions.
Immediate family members lang din sa ngayon ang papayagan sa mga necrological services at burol, basta't hindi COVID-19 ang ikinamatay.
Ilan din sa mga paghihigpit ang:
- 30% venue capacity sa mga serbisyo gaya ng beauty salons, parlors, barberya at nail spas
Cebu, Cebu province nasa MECQ na rin
Idagdagdag naman sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Cebu City at Cebu Province mula ika-1 hanggang ika-15 ng Agosto. Gayunpaman, pwede pa ito iapela ng mga local government units.
Mananatili naman ang parehong ECQ, MECQ at GCQ ang mga inanunsyo na ng Palasyo noong Miyerkules.
Sa huling tala ng Department of Health, 1.57 milyon na ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas nitong Huwebes. 27,577 na ang namamatay sa bilang na 'yan.