MANILA, Philippines — Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulis at mga kapitan ng barangay na limitahan ang paglabas ng bahay ng mga mamamayan na ayaw magpabakuna laban sa COVID-19 sa gitna nang tumataas na bilang ng mga nagkakaroon ng Delta variant.
Ayon kay Duterte, sasabihin niya sa mga pulis na ibalik sa bahay ang mga lumalabas na wala pang bakuna dahil posibleng sila ang magkalat ng virus.
Wala aniyang katapusan ang problema kung pagbibigyan ang mga aangal pero ayaw namang magpabakuna.
“Walang katapusan ito kung pagbigyan ko lang kayo. ‘Pag mahina ang loob ko dahil mag-iyak-iyak kayo diyan, eh ibang istorya ito, adre. Bayan itong pinag-uusapan natin kaya kung ayaw ninyong makatulong by having the vaccines, eh ‘di huwag na lang kayong lumabas ng bahay,” ani Duterte.
Idinagdag ni Duterte na trabaho ng mga kapitan ng barangay na tingnan kung sino pa sa kanyang mga nasasakupan ang wala pang bakuna.
“It behooves upon really the barangay captains. Trabaho talaga ng barangay captains iyan eh to go around to see who are vaccinated and who are not, and to give the appropriate warning that they should not be going around because they are throwing viruses left and right,” ani Duterte.
Aminado si Duterte na kailangan pang magkaroon ng batas na magpaparusa sa mga ayaw magpabakuna pero luma-labas ng bahay kung saan nalalagay sa panganib ang buhay ng ibang tao.
Tiniyak ni Duterte na siya ang mananagot kapag nagkademandahan.
“Kung may idemanda, ako na. Iyan ang utos ko, ibalik ka doon sa bahay mo. ‘Iyan ang utos ni Ma-yor. Kung magdemanda ka balang araw, idemanda mo siya.’Harapin ko ‘yan. I assume full responsibility for that. Mahirap iyang ano ng style ng iba,” ani Duterte.