'New record: 2021 SONA ni Duterte pinakamahaba matapos ang EDSA People Power

Kuha kay Pangulong Rodrigo Duterte habang itinatalumpati ang kanyang ika-anim na State of the Nation Address (SONA), ika-26 ng Hulyo, 2021
Video grab mula sa RTVM Youtube channel

MANILA, Philippines — Ang ika-anim at huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pinakamatagal na ulat ng pangulo sa lahat ng mga administrasyon matapos ang pagbagsak ng diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Kanina lang nang sabihin ni presidential spokesperson Harry Roque na mahigit-kumulang isang oras lang ang SONA ngayong taon. Tumagal ito hanggang dalawang oras, 45 minuto at 39 segundo ngayong Lunes.

Mas mahaba ito sa 135 minutong 2015 SONA ni dating Pangulong Benigno Aquino III, na dating may hawak ng record para sa pinakamahabang SONA matapos ang People Power uprising.

Ilan sa mga natalakay ni Digong ang kanyang mga tagumpay gaya ng pagpapaiksi raw ng haba ng biyahe, pagtatapos ng mga bagong istasyon ng LRT-2, "pagdurog" sa kriminalidad at droga, at pagpapasa ng libreng edukasyon sa public tertiary schools.

Nariyan din ang mga "tagumpay" laban sa mga rebeldeng komunista sa pamamagitan ng pagdurog ng kanilang mga kuta at pagtatayo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Muli ding idiniin ni Digong na hindi basta-basta pwedeng igiit ng Pilipinas ang sovereign right sa West Philippine Sea na tinitiyak ng 2016 arbitral ruling, sa dahilang hindi raw kaya tumindig ng bansa oras na gerahin ng Tsina.

Si Marcos pa rin ang itinuturing na may pinakamahabang SONA pagdating sa word count, na siyang naglalaman ng hangang 29,335 na salita, ayon sa Malacañang. — James Relativo

Show comments