^

Bansa

Alamin: Top 10 isyung nais marinig ng Pinoy sa ika-6 na SONA, ayon sa Pulse Asia

James Relativo - Philstar.com
Alamin: Top 10 isyung nais marinig ng Pinoy sa ika-6 na SONA, ayon sa Pulse Asia
President Rodrigo Duterte gestures as he delivers his state of the nation address at Congress in Manila on July 22, 2019.
AFP/Noel Celis

MANILA, Philippines — Sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Lunes, gustong marinig ng karamihan ng mga Pilipino ang ilang usapin habang nagpapatuloy ang COVID-19 pandemic ilang buwan bago matapos ang kanyang administrasyon sa 2022.

Karaniwang tinatalakay tuwing SONA ang mga tagumpay at nais pang makamit ng presidente para sa nalalabi nitong oras sa pwesto. 

Sa bagong survey ng Pulse Asia Research na inilathala ngayong Lunes, lumalabas na pagtugon sa sari-saring epekto ng COVID-19 sa kabuhayan ang pangunahing concern ngayon ng mga Pilipino, bagay na sana'y mabanggit daw mamaya.

"The issues that Filipino adults would most like the President to discuss in his July 2021 SONA are jobs or livelihood (38%) and the national economy (35%)," ayon sa Pulse Asia kanina.

Narito ang pagkakasunud-sunod ng mga isyung importanteng mapag-usapan daw mamaya, batay sa June 7 – 16 face-to-face interviews na isinagawa ng grupo sa 2,400 Pilipino edad 18-anyos pataas sa buong bansa:

  1. paglikha ng trabaho o kabuhayan (38%)
  2. pagpapaunlad ng ekonomiya (35%)
  3. pagkontrol sa pagtaas ng presyo (33%)
  4. plano sa pagpapabilis ng COVID-19 vaccination (31%)
  5. pagpapataas ng sahod (26%)
  6. pagpapaganda sa sistema ng edukasyon (26%)
  7. aksyon kontra-panghihimasok ng Tsina sa West Philippine Sea, teritoryo ng Pilipinas (25%)
  8. pagsugpo sa graft and corruption sa pamahalaan (24%)
  9. kapayapaan sa bansa (20%)
  10. pagsugpo sa iligal na droga (17%)

Umabot sa 4.5 milyon ang nawalan ng trabaho noong 2020 simula nang pasukin ng COVID-19 ang Pilipinas, na pinakamataas na annual unemployent rate sa bansa simula pa Abril 2005.

Matatandaang sandamukal na opisina, negosyo, establisyamento at serbisyo ang lubhang naapektuhan ng mga lockdowns, dahilan para sila'y magsara para maiwasan ang hawaan ng nakamamatay na virus.

Marami sa mga nagtratrabaho ngayon ay nasa bahay lamang. Limitado pa rin ang mga bukas na trabaho magpahanggang sa ngayon dahil sa community quarantine restrictions.

'Cha-cha' wala gaano sa isip ng mga Pinoy

"The least often mentioned issue is charter change (7%)," patuloy ng mga mananaliksik kanina.

Isa ang charter change (cha-cha) sa mga itinutulak noon ni Duterte, lalo na't campaign promise niya ang pagpapalit ng sistema ng gobyerno patungong pederalismo.

Gayunpaman, tinututulan ito ngayon ng ilang militanteng mambabatas dahil sinisingitan ang panukala ng posibleng pagmamay-ari ng lupain ng mga dayuhan sa bansa at pagpapaluwag sa banyagang pamumuhunan.

Ani Rep. Eufemia Cullamat (Bayan Muna party-list) nitong Enero 2021, COVID-19 vaccination at hindi pagbabago ng 1987 Constitution ang dapat inuuna ng gobyerno.

Nais marinig depende sa rehiyon

Samantala, iba-iba ang mga prayoridad na marinig ng mga taga-Kamaynilaan, Luzon, Visayas at Mindanao mamaya:

  • Metro Manila: pagtaas ng presyo ng bilihin (48%)
  • nalalabing parte ng Luzon: ekonomiya (39%)
  • Visayas: trabaho (41%)
  • Mindanao: trabaho (36%)

"The most often mentioned issues in Class ABC are jobs or livelihood (49%), the economy (43%), inflation (37%), and COVID-19 vaccination (37%). In Class D, the leading issues are jobs (37%), the economy (35%), and inflation (34%)," sabi pa ng Pulse Asia.

"And those in Class E would most like the President to talk about jobs (35%), the economy (33%), COVID-19 vaccination (31%), peace (29%), inflation (28%), workers’ pay (28%), and the educational system (28%)."

Kusang isinasagawa ng Pulse Asia Research ang mga "Ulat ng Bayan" surveys, at hindi kinomisyon ng iisang partido ang nasabing pag-aaral.

Tinatayang ibibigay ni Digong ang kanyang talumpati sa SONA mamayang 4 p.m. ng hapon sa Batasang Pambansa complex sa harap ng joint session ng Konggreso.

INFLATION

JOB GENERATION

NOVEL CORONAVIRUS

PULSE ASIA

RODRIGO DUTERTE

SONA 2021

SURVEY

UNEMPLOYMENT

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with