‘Signal jamming’ ipatutupad ngayon
MANILA, Philippines — Magpapatupad ng “signal jamming” sa ilang bahagi ng Quezon City habang limitado ang lugar ng mga raliyista habang isinasagawa ang huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay National Capital Region Police Office chief Police Major General Vicente Danao Jr., kailangang gawin ang signal jamming para matiyak ang seguridad ng SONA.
“Mayroon din po sa specific areas na hindi gagana po ang (signal) dahil mayroon tayong jammer,” ani Danao.
Upang hindi makaapekto sa daloy ng trapiko at maiwasan ang hawaan, nagtalaga rin ng lugar ang pulisya para sa mga grupo o indibiduwal na magsasagawa ng protesta.
Nabatid na hanggang St. Peter sa Tandang Sora, Quezon City lang maaaring mag-rally ang iba’t ibang cause oriented groups. Mayroon ding lugar na inilaan ang mga pro-administration rallyist.
Sa banta ng Delta variant, umapela si Danao sa mga raliyista na ikonsidera ang kanilang pagtitipon upang maiwasan ang hawaan.
Sinabi ni Danao na nag-usap na sil ni QC Mayor Joy Belmonte, mga opisyal ng Quezon City Police District at mga raliyista at nagkasundo sa SONA arrangements.
- Latest