MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Department of Health (DOH) na nakapagtala pa ang bansa ng 17 bagong kaso ng mas nakahahawang Delta variant (B.1.617.2) ng COVID-19 sa bansa, sanhi upang umakyat na ang kabuuang bilang sa 64 mula sa 47 lamang.
Ito ay batay sa genome sequencing report na inilabas ng Department of Health (DOH), University of the Philippines - Philippine Genome Center (UP-PGC) at University of the Philippines - National Institutes of Health (UP-NIH) nitong Sabado.
Sa karagdagang 17 Delta variant cases, 12 ang local cases at isa ang returning overseas Filipino (ROF). Kinukumpirma pa kung ang apat na iba pang kaso ay local cases o ROFs.
Sa 12 lokal na kaso, siyam ang may address sa National Capital Region (NCR) at tatlo sa Calabarzon.
Tatlo sa mga ito ang nananatiling aktibong kaso pa o nagpapagaling habang ang 14 ay nakarekober na.
Samantala, bukod sa bagong kaso ng Delta, iniulat din ng DOH na nakapagtala sila ng 11 kaso pa ng Alpha variants (B.1.1.7), 13 Beta (B.1.351) at dalawang P.3 variant.
Sa 11 Alpha, 10 ang local case habang biniberipika pa kung lokal o ROF case ang isa pa. Nasa 1,679 na ang kabuuang kaso ng Alpha variant.
Sa 13 bagong Beta variant, 10 ang lokal at 3 ang bineberipika kung lokal o ROF. Isa sa mga ito ang active case pa rin, dalawa ang nasawi at 10 ang nakarekober. Sa kabuuan, may 1,840 Beta variants na sa bansa.
Sa dalawang P.3 variants naman, na kapwa nakarekober na, isa ang local case habang hindi pa batid kung local case o ROF ang isa pa.
Kaugnay nito, iniulat na rin ng DOH na ang mga samples mula sa mga seafarers ng M/V Tug Clyde at Barge Claudia ay isinama na sa susunod na batch nang isasagawang whole genome sequencing.