‘Fabian’ nakalabas na ng PAR
MANILA, Philippines — Patuloy na nakakaranas ng malalakas na pag-ulan ang malaking bahagi ng Luzon kabilang ang Metro Manila dulot ng bagyong Fabian at epekto ng habagat na nagpalikas sa libu-libong katao dahil sa mga pagbaha.
Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesman Mark Timbal, dahil sa pagtaas ng tubig sa Marikina River ay nasa 3,030 pamilya o 13,000 katao ang inilikas at kinakanlong sa 27 evacuation centers sa lungsod.
Nasa 23 pamilya naman ang inilikas sa Brgy. Tatalon, Quezon City.
Higit 200 pamilya ang natulungang mailikas ng Philippine Coast Guard (PCG) mula sa mga binahang barangay sa 3 bayan sa Cavite.
Sa Occidental at Oriental Mindoro ay 7,025 katao ang inilikas.
Naitala ang landslide sa Sablayan, Occidental Mindoro na walang naitalang nasugatan at nasawi.
Sa Masantol, Pampanga, 12 barangay ang binaha, sa Bulacan ay 36 barangay mula sa mga bayan ng Paombong, Hagonoy, Guiguinto, Balagtas at Marilao.
Patuloy namang nakaalerto ang search and rescue team dahil sa masamang lagay ng panahon habang namahagi na rin ng relief goods sa mga evacuation centers.
Kahapon ay lumabas na sa Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Fabian pero patuloy pa ring makakaranas ng mga pag-ulan sa Luzon at bahagi ng Western Visayas dahil sa epekto ng habagat.— Angie dela Cruz