15,000 pulis itatalaga sa huling SONA ni Duterte; protesta kasado kahit pandemya

Activists are busy making protest materials for the upcoming State of the Nation Address of President Rodrigo Duterte at their main office in Quezon City on July 22, 2021.
The STAR/Boy Santos

MANILA, Philippines — Handang-handa na ang Philippine National Police (PNP) para "tiyakin ang seguridad" sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, bagay na dadagsain ng protesta sa gitna ng local transmission ng Delta variant ng COVID-19.

Aabot sa 15,000 pulisiya ang itatalaga ng gobyerno para siguraduhing ligtas ang SONA ng presidente, dahilan para ipagmalaki ni PNP chief Police General Guillermo Lorenzo Eleazar ang "100% preparedness" sa ika-26 ng Hulyo.

"Nakalatag na ang mga security plan at nakaantabay na rin ang sufficient number ng ating kapulisan para sa deployment at iba pang contingency measures," ani Eleazar Biyernes.

Bagama't maselan ang COVID-19 situation sa bansa, tiwala naman daw siyang maayos itong mailulunsad sa pangunguna na rin ni NCRPO regional director Maj. Gen. Vicente Danao.

Gagamit din daw body-worn cameras ang NCRPO para mamanmanan ang sinumang kahinahinalang nais "manggulo" sa Lunes, kahit na wala pa namang namo-monitor na threat sa talumpati ng pangulo.

Hinihikayat naman niya ngayon ang mga nagbabalak magprotesta na gawin na lang ito virtually o online para na rin maiwasan ang hawaan ng COVID-19 sa ngayon.

"Sa ilan nating mga kababayan na patuloy pa ring nagpa-plano para sa isang rally, nagpapa-alala ang inyong PNP na lubha pang delikado ang ganitong klaseng pagtitipon lalo na at may kumpirmasyon na ng local transmission ng Delta variant ng COVID-19. Mas ligtas na makinig at manood na lang tayo ng SONA sa ating mga tahanan," patuloy ng hepe.

'Health protocols titiyakin sa protesta'

Kahit may banta ng COVID-19 at mas nakahahawang Delta variant nito, tinitiyak ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na ibayong ingat ang ipatutupad nila sa kanilang hanay, lalo na't napatunayan na nila ito sa mga nakaraang pagkilos.

"The protests have observed minimum health standards and have not been 'super spreader' events since we started doing outdoor rallies in June 2020," ani BAYAN secretary general Renato Reyes Jr. sa panayam ng Philstar.com.

Ilan sa kanilang titiyakin para maiwasan ang hawaan ang:

  • mas maiksing programa
  • face mask at pagre-require ng disinfectants
  • pamimigay ng face masks at iba pang materyales sa mga lalahok

Dagdag pa ng grupo, hindi tinatanggal ng pandemya ang kanilang constitutional right ng pagproprotesta. Aniya, wala sa Quezon City Police District ang otoridad mag-apruba o kansela ng rally permit kundi sa local government unit lang.

Bakit may tutulak sa kalsada kahit may COVID-19?

"It is Duterte that is forcing people to protest his tyrannical policies during the pandemic, including his desire to remain in power beyond 2022. He is the main reason why people are going out of their comfort zones to physically protest his SONA," patuloy ni Reyes.

Tinutukoy ng BAYAN ang pagpaparinig ni Digong na tumakbo sa pagkabise presidente sa 2022, isang posisyon na papalit sa pangulo oras na magbitiw ito o hindi na makagampan.

Ayon sa militanteng Makabayan bloc, ilan lang ang sumusunod kung bakit isinisigaw nilang wakasan na ang administrasyon ni Duterte kasabay ng kanyang SONA:

  • hindi pagtupad sa campaign promises gaya ng pagtapos ng kontraktwalisasyon, peace talks at pagbuwag sa "oligarkiya"
  • kawalan ng dagdag sahod
  • pagratsada sa anti-terror law at red-tagging ng NTF-ELCAC sa mga kritiko
  • 'di pantay na relasyon ng Pilipinas sa Tsina at Amerika kahit "ipinagmayabang ang pagtatanggol sa teritoryo"
  • mala-"martial law" na lockdowns imbis na tugong medikal sa COVID-19
  • pagpapatulang ng tambalang Sara Duterte-Rodrigo Duterte sa pagkapresidente at VP sa 2022
  • atbp.

"Sumusulong ang mga pagsisikap upang magkaisang-lakas upang mahadlangan ang pagkapit ng grupo ni Duterte sa kapangyarihan. Itinatakwil na ng nakararami ang pamumunong palpak, pahirap, at pasista. Tiyak na magpupunyagi at magtatagumpay ang bayan!" ayon sa Makabayan bloc.

Show comments