MANILA, Philippines — Pormal nang sinimulan nitong Huwebes ng AC Health ang pagtatayo ng Healthway Cancer Care Center, ang kauna-unahang dedicated cancer specialty hospital sa bansa. Ang investment na ito ay naaayon sa pagpapalaganap ng “improved healthcare” ng AC Health para sa mga Pilipino.
Dumalo sa ceremonial groundbreaking event sina Taguig Mayor Lino Cayetano, Health Secretary Francisco T. Duque III, at Ayala Corporation President and CEO Fernando Zobel de Ayala.
Ang 100-bed Healthway Cancer Care Center ay ang tugon ng Ayala Group sa Cancer Control Act (RA 11215) na nagbibigay ng pahintulot sa mga nasa pribadong sector na magtayo ng cancer specialty hospitals at clinics. Noong 2020, mahigit 150,000 cancer cases ang naitala sa bansa; 90,000 Pinoy naman ang nasawi dahil sa cancer na itinuturing na 2nd leading cause of death sa Pilipinas.
Inaasahang matatapos ang pasilidad sa taong 2023 at magbibigay ito ng iba’t ibang serbisyong gaya ng cancer screening, diagnosis, treatment, at post-cancer care.
Kasabay ng groundbreaking ceremony ay pormal ding binigay ng AC Health bilang tulong nito sa #BrigadangAyala ang 1,000 flu vaccine doses sa Lungsod ng Taguig.