Duterte ‘di magso-sorry kay Pacquiao

Ginawa ni Presidential spokesperson Harry Roque ang pahayag matapos sabihin ni Bacolod Rep. Monico Puentevella na dapat mag-sorry si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa mga bira nito kay Senator Manny Pacquiao.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Walang nakikitang dahilan ang Malacañang para mag-sorry si Pa­ngulong Rodrigo Duterte kay Senator Emmanuel “Manny” Pacquiao.

Ginawa ni Presidential spokesperson Harry Roque ang pahayag matapos sabihin ni Bacolod Rep. Monico Puentevella na dapat mag-sorry si Duterte dahil sa mga bira nito kay Pacquiao.

Sinabi ni Roque na lahat ng sinabi ng Pangulo ay bahagi ng malayang pagsasabi ng mga saloobin.

“Wala pong dahilan para po mag-apologize. Lahat po iyan ay kabahagi ng free market place of ideas,” ani Roque.

Kapwa kasapi ng PDP-Laban sina Duterte at Pacquiao pero nagkaroon ng lamat ang kanilang samahan nang banatan ng senador ang administrasyon dahil sa katiwalian.

Sinabi ni Pacquiao na mas lumala ang korapsiyon sa panahon ni Duterte.

Naniniwala naman ang Pangulo na hindi lamang nakapaghintay si Pacquiao na iendorso ng partido para sa eleksiyon sa 2022.

Hinamon din ni Duterte si Pacquiao na ilabas ang listahan ng mga opisyal at tanggapan na sinasabi nitong korap.

Show comments