MANILA, Philippines — Tiniyak ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Dutete na maaambunan ng ayuda ang mga residenteng maaapektuhan ng ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ) sa ilang parte ng Pilipinas sa gitna ng pagpasok ng mas nakahahawang Delta variant.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang ilagay sa pinakamahigpit na lockdown ang buong probinsya ng Iloilo, Gingood at Cagayan de Oro, bagay na tatagal hanggang ika-31 ng Hulyo.
Related Stories
Dahil diyan, marami ang negosyo't establisyamentong isasara at hindi basta-basta papayagang lumabas ng bahay ang mga tao — dahilan para mahirapan ang marami makapagtrabaho.
"Sa mula't mula po, ang presidente, ang sinasabi niya sa IATF, 'Hindi ako papayag na mag-ECQ na walang ibinibigay doon sa ayuda para sa hindi makakapagtrabaho dahil sa ECQ,'" ani Roque, Miyerkules, sa isang media briefing.
"So sa mga taga-Iloilo province, Iloilo City, Cagayan de Oro, Gingoog, hindi po kayo nakakalimutan ng presidente, magbibigay po sa takdang panahon ng ayuda. At siguro naman po 'yan, hindi bababa doon sa ayudang ibinigay doon sa mga hindi nakapagtrabaho dito sa Metro Manila noong huling nasa ECQ ang Metro Manila."
Sa kabila nito, wala pa rin naman daw pinal na desisyon pagdating sa pagpapatupad nito.
Matatandaang namudmod ng P1,000 ayuda kada tao ang gobyerno ngayong 2021 para sa mga naapektuhan ng muling pagpapatupad ng ECQ sa Metro Manila, Cavite, Rizal, Bulacan at Laguna. Gayunpaman, para lang ito sa maximum na apat na miyembro ng pamilya.
Una nang kinastigo ng ACT Teachers party-list at IBON Foundation ang P1,000 ayuda na ito lalo na't sadyang napakaliit daw nito lalo na kung ihahambing sa dami ng mga Pilipinong nawalan ng hanap-buhay.