Fact check: 'Anti-endo bill' vineto ni Duterte dahil 'tutol mga manggagawa,' sabi ng DOLE

Piket ng mga manggagawa ng Kilusang Mayo Uno sa labas ng tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Maynila laban sa kontraktwalisasyon, Enero 2019
The STAR/Edd Gumban, File

MANILA, Philippines — Ilang araw bago ika-anim na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, nauungkat uli ang pagbabasura niya sa "Security of Tenure and End of Endo Act of 2018" noong 2019, bagay na tinitignan bilang bigong campaign promise ng presidente.

Miyerkules kasi nang isisi ni Labor Secretary Silvestre Bello III "sa protesta ng mga manggagawa" ang pagbasura ni Duterte sa panukalang pagbabawal sa "endo" o end of contract ng mga manggagawang dapat regular na — kahit hindi naman 'yan totoo.

"May mga labor group na nagpakita sa pagkontra sa bill na 'yon. So siyempre, ang ating pangulo, kaya niya pina-certify ang bill na 'yan ay para mapagbigyan ang kahilingan ng mga manggagawa," ani Bello sa Laging Handa briefing kanina.

"Eh noong nagprotesta sila, ayaw nila, the president was compelled to veto the bill."

Ito ang banggit ng DOLE official habang idinidiing inirerekomenda uli ng kagawaran ang pagce-"certify as urgent" sa panibagong panukalang batas tungkol dito na inihain sa Senado.

Pero totoo kaya ang sinasabi ni Bello tungkol sa pagbasura ni Duterte? Actually, hindi 'yan masusuportahan ng mga dokumento't ebidensya.

Hayag na dahilan ni Digong

Kung titignan ang veto message ni Digong na pinetsahang ika-26 ng Hulyo, 2019, walang binabanggit na "reklamo ng mga manggagawa" bilang dahilan kung bakit niya hindi nilagdaan ang anti-endo bill.

Sa katotohanan, pagtatanggol sa "lehitimong job contracting" at "malawak na depenisyon ng labor-only contracting" ang mababasa roon:

"Businesses should be allowed to determine whether they should outsource certain activities or not, especially when job-contracting will result in economy and efficiency in their operations, with no detriment to the workers, regardless of whether this is directly related to their business... I believe the sweeping expansion of the definition of labor-only contracting destroys the delicate balance and will will place capital and management at an impossibly difficult predicament with adverse consequences to the Filipino workers in the long term. In view of these considerations, I am constrained to veto the above mentioned Enrolled Bill."

Matatandaang pumasa sa ikatlong pagbasa ang parehong Senate Bill 1826 at House Bill 6908 na tumutukoy sa anti-endo bill. Gayunpaman, may kapangyarihan ang presidente na harangan ito para hindi tuluyang maging batas.

Bago manalo sa pagka-presidente noong 2016, isa ang pagtatapos sa "endo" at kontraktwalisasyon sa mga naging campaign promises ni Duterte.

Sa ilalim ng batas, hinihingi na gawing regular sa trabaho ang mga empleyado't manggagawa matapos ang anim na buwan lalo na't kung direktang may kinalaman sa negosyo ang kanilang serbisyo. Marami ang hindi sumusunod dito.

KMU: Kapitalista ang umangal kaya ibinasura

Pinalagan tuloy ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang panibagong pahayag ng DOLE, lalo na't tila mga manggagawa pa ang sinisisi kung bakit hindi matapos-tapos ang endo at kontraktwalisasyon.

Ani KMU chairperson Elmer Labog, hindi pagtutol ng mga manggagawa ang dahilan kung bakit hinarangan ni Duterte ang naturang panukala — kundi pagtutol mismo ng mga malalaking negosyante.

"Malinaw naman na ang dahilan ng pag-veto ni Duterte sa anti-ENDO bill ay sa pag-angal ng malalaking dayuhang kapitalista at hindi dahil sa mga protesta ng manggagawa," ani Labog sa panayam ng Philstar.com.

"'Wag kami ang sisihin mo, Secretary Bello. Sisihin mo ang pangulo mong tumalikod sa pangako niya, para kumampi sa dayuhan at malalaking negosyante."

Bagama't binatikos noon ng kilusang paggawa ang "pinalabnaw" na anti-endo bill, aniya, ang pagkampi raw talaga ng gobyerno sa kapitalista ang totoong nagtulak sa kanya para talikuran ang pangako.

Palasyo: 'Sertipikado' naman, bahala ang Kongreso

Ngayong linggo din, sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na sertipikadong "urgent" naman daw ang Senate Bill No. 1826 — ang bersyon ng panukalang batas na ipanasa sa noong 2019 at ibinasura ng pangulo.

"But we leave it to Congress because, unfortunately, no amount of certification can lead to an enactment of the law if the wisdom of Congress is otherwise," sinabi rin niya bilang pagpasa ng bola sa mga mambabatas.

Sa isang tweet, pinaalala ni Senate President Vicente Sotto III na naipasa na yun noon pa. "SB 1826 of the 18th Congress is about the Province of Rizal!" sabi niya pa. 

Ayon sa Legislative Information Service, ang kasalukuyang Senate Bill 1826 ay tungkol sa paghati ng 2nd District ng Rizal sa tatlong hiwalay na distrito.   

Show comments