MANILA, Philippines — Kinumpirma ng kilalang opposition figure na si Sen. Leila de Lima ang muling pagtakbo para sa pagkasenador sa halalang 2022, bagama't nakakulong pa rin simula 2017.
Itinaon ni De Lima ang anunsyo limang araw bago ang ika-anim at huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, na siyang kanyang binabatikos. Ipinakete niya ito bilang liham sa presidente.
Related Stories
"Marami ang nagtatanong sa akin kung sa kabila ng pagyurak na ginawa mo sa akin ay may lakas pa ako ng loob na muling tumakbo bilang Senador sa 2022," sabi ng senadora, Miyerkules.
"Tatakbo akong muli. Hindi ako susuko. Tuloy ang laban."
Bago ang SONA ni Duterte sa Lunes, binanatan niya ang huli sa kabiguang tuparin ang kanyang mga pangako, gaya na lang ng pagsugpo ng iligal na droga, katiwalian, problema sa ekonomiya at pananakop ng Tsina sa West Philippine Sea.
Taong 2016 nang ipangako ni Digong na kaya niyang tapusin ang suliranin sa droga at krimen sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Hanggang ngayon, nakikipagpatintero pa rin ang Philippine Coast Guard sa mga Chinese vessels sa loob ng exclusive economic zone nito kahit ipinangako rin ng presidente ang pagtindig sa soberanya. Malapit na kaibigan ni Duterte si Chinese President Xi Jinping.
Kilala ring kritiko ng drug-linked extrajudicial killings sa ilalim ni Digong si De Lima, na isa sa mga isyu kung bakit inirerekomenda na ni dating International Criminal Court prosecutor Fatou Bensouda ang imbestigasyon ang diumanoy "crimes against humanity" na laganap sa bansa.
Nakakulong pa rin
Ika-24 ng Pebrero 2017 pa nang makulong si De Lima matapos hainan ng tatlong kaso kaugnay ng kalakalan ng droga sa New Bilibid Prison. Inabswelto na siya para sa isa sa tatlong kaso na 'yan nitong Pebrero 2021.
Naninindigan ang kanyang kampo na panay bogus ang mga reklamong ito. Aniya, idinidiin lang siya dahil sa kritiko siya ng administrasyon.
"Ako na ang tanging kasalanan ay magsalita laban sa EJKs ay nakakulong, samantalang ang mga tulad ni Peter Lim na may Warrant of Arrest sa pagiging big-time drug lord ay hindi mo [Duterte] man lang kayang ipaharap sa korte at hustisya," dagdag niya.
"Hindi mo rin ako napasuko. Tuloy pa rin ang laban, kaya hindi rin dito matatapos ang aking kuwento."
Kahit nakakulong, umabot na sa mahigit 500 panukalang batas at resolusyon ang kanyang naihahain simula nang mahalala. Ilan sa mga batas na kanyang naipasa ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act, Magna Carta of the Poor Act, Community-Based Monitoring System Act, at National Commission for Senior Citizens Act. — James Relativo