MANILA, Philippines — Pinatalsik ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) si Senator Manny Pacquiao bilang presidente ng partido at ipinalit si Energy Secretary Alfonso Cusi.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na chairman ng partido ang nagpanumpa kay Cusi.
Nagpalabas naman ng mensahe si Pacquiao na kasalukuyang nasa Amerika upang mag-ensayo para sa nalalapit na laban kay Errol Spence.
Sinabi ni Pacquiao na bahala na sina Cusi kung mas importante sa kanila ang pulitika at sa huli ay mga mamamayan ang magdedesisyon kung sino ang kakatigan.
“Kung sa tingin nila Cusi at iba pa na mas importante ang politika sa ngayon, bahala na sila. Sa huli, isa lang naman ang tanong na dapat sagutin. Sino ba ang sasamahan ng taong bayan?” ani Pacquiao sa inilabas na statement.
Sinabi rin ni Pacquiao na nakakalungkot na nakapasok na sa Pilipinas ang Delta variant at ito ang dapat maging prayoridad ng gobyerno.
“Nakakalungkot na nakapasok na ang Delta variant sa Pilipinas at kapag hindi maagapan, marami ang maaaring mahawa. Ito dapat ang prayoridad ng ating gobyerno,” ani Pacquiao.
Matatandaan na mismong si Cusi ang nag organisa ng national assembly ng PDP-Laban sa Clark, Pampanga kung saan dumalo si Duterte.