MANILA, Philippines — Majority ng mga kabataang mag-aaral ang nagsasabing hindi sila gaanong natututo sa online learning na ipinatutupad ng pamahalaan sa panahon ng pandemic.
Sa online survey ng Movement for Safe, Equitable, Quality and Relevant Education (SEQuRE) na ginawa noong June 25 hanggang July 2, nasa 86.7 percent ng mag-aaral gamit ang modular learning, 66% gamit ang online at 74% blended learning ang nagsabing kakaunti ang kanilang natututunan sa ilalim ng alternative modes of instruction kumpara sa tradisyunal na face-to-face learning bago magpandemic.
Lumabas din na 5.4% lang ng mga mag-aaral sa ilalim ng blended, 5.7% sa modular at 9.1% sa online ang nagsabing sila ay natuto.
Mayroon namang 24.8% sa online, 20.7% sa blended at 7.6% sa modular ang naniniwalang sila ay higit na natuto kaysa bago mag-pandemic.
Nasa 72.7 percent naman ng online learners ang dumanas ng hindi nakapasok sa klase dahil sa problema sa kanilang devices o internet habang 73.3% ng modular learners ang hindi nakapag-submit ng kanilang modules sa takdang oras.
Ayon sa 50% ng mga guro, 4 hanggang 6 sa bawat 10 mag-aaral ay nahuhuli sa ibang mag-aaral.
Nasa 40% ang nagsabing ayaw na nila sa distance learning sa susunod na pasukan habang 21% ang nagsabing kahit ano at 39% ang undecided.
Kabilang sa mga respondents ang 1,278 guro, 1,299 Grades 4-12 students at 3,172 mga magulang na karamihan ay mula sa National Capital Region.