Kahit no. 1 sa survey, Sara Duterte yakang-yaka pa talunin sa 2022 — analysts

Davao City Mayor Sara Duterte, the presidential daughter, speaks at an event in Monkayo, Compostela Valley in September 2017.
Released/Monkayo municipality

MANILA, Philippines — Nauuna man ngayon sa surveys sa posibleng pagkapangulo sa 2022 si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, may pag-asa pa rin ang ibang naghahangad makuha ang pinakapamataas na katungkulan sa Pilipinas sa susunod na taon, ayon sa ilang political analysts.

Martes nang ilabas ng Pulse Asia Research ang kanilang "Ulat ng Bayan" survey nitong Hunyo, kung saan 28% ng mga Pilipino ang nagsabing iboboto nila ang presidential daughter sa pagkapangulo, numerong kaya pang habulin ng ibang kakandidato, ayon kay Stratbase ADR Institute president Dindo Manhit.

"Walang konsepto ng unbeatable. Ang sukat siguro nila eh dahil popular ang Pangulo[ng Rodrigo Duterte]. Pero nakita nga natin 'yung popularity ay ibang katanungan [kung] iboboto ba ang kanyang anak," ani Manhit sa panayam ng Radyo Singko, Miyerkules.

"Kaya lumabas doon ay hindi man lang sa tatlong survey na nakita sa publiko, hindi lumalampas siya sa 28%. Paano naging unbeatable ang 28%?"

Si Sara ay anak ni Presidente Digong, na kasalukuyan namang numero uno rin sa pagkabise presidente (18%) sa 2022 election survey ng Pulse Asia. Gayunpaman, pareho silang hindi pa kinukumpirma ang pagkandidato.

Kilalang nagsasalitan sa local elective posts sa Davao sina Digong at Sara bago nakatungtong sa Malacañang. Nakaupo rin sa pwesto sina Davao City Rep. Paolo Duterte at Davao City Vice Mayor Sebastian Duterte, pare-parehong anak ng nakatatandang Duterte, dahilan para matawag silang "political dynasty" nang marami.

Oposisyon dapat iisa lang ang kandidato

Sa panayam ng Philstar.com noong Hunyo, sinabi naman ni Michael Yusingco, senior research fellow sa Ateneo Policy Center, may pag-asa pa rin naman ang mga nais humamon sa administrasyon at kanilang mga kaalyado sa 2022 — basta't gumamit ng tamang estratehiya.

"Kung 'yung 1Sambayan ay makapag-field ng isang kandidato lang, kung 'yung oposisyon meron silang sariling kandidato na isa lang, meron silang chance na lumaban sa eleksyon sa pagkapresidente," ani Yusingco.

Hunyo lang kasi nang ipakilala ng opposition coalition na 1Sambayan ang anim na nominado nila para sa pagkapresidente o bise presidente sa susunod na taon:

  • Bise Presidente Leni Robredo
  • dating Sen. Antonio Trillanes IV
  • Free Legal Assistance Group chair Chel Diokno
  • Sen. Grace Poe
  • Deputy Speaker Bro. Eddie Villanueva
  • Deputy Speaker Vilma Santos-Recto

Wala pa mang tiyak na tatakbo sa pagkapresidente o bise sa anim na 'yan, maugong ngayon ang pangalan ni Robredo na i-field bilang presidential candidate. Kaso, may usap-usapan din na baka kumandidato siya sa isang posisyon sa Bikol.

Kasalukuyang nasa ika-anim na pwesto si Robredo sa Pulse Asia survey, kung saan 6% ang nagsasabing iboboto siya sa pagpangulo kung ginawa ang halalan ng Hunyo. Gayunpaman, naniniwala ang Office of the Vice President na gaganda pa ang kanyang survey results oras na ianunsyo na talaga ang pagkandidato.

Dagdag pa ni Yusingco, maaaring magbukas ng oportunidad sa oposisyon ang away nina Duterte at Sen. Manny Pacquiao sa loon ng ruling party na PDP-Laban para makasungkit ng pwesto sa 2022.

 

 

"Kung isa lang ang kandidato nila [1Sambayan] at dalawa ang kandidato ng administrasyon [Duterte at Pacquiao], meron silang malaking tyansa. Meron silang laban, ika nga," sabi pa ng Yusingco.

"Kung halimbawa naman ay hindi sila [1Sambayan] makapag-field ng isang kandidato lang, halimbawa sila rin, multiple candidates ang pinatakbo, malamang sa malamang, kung ano 'yung nangyari noong 2016, ganoon din ang mangyayari sa 2022. Kumbaga, hindi mananalo ang oposisyon."

Nanguna sa survey pero natalo sa eleksyon

Sa kasaysayan ng Pilipinas, hindi ibig sabihin na nangunguna ka sa electoral surveys ngayon ay ikaw na talaga ang mananalo sa pagkapangulo pagdating ng araw ng halalan.

Taong 2009 nang mag-top sa Pulse Asia survey si dating Sen. Manny Villar sa posisyon ng pagkapangulo. Gayunpaman, dinaig siya ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III noong botohan na noong 2010.

Ganyan na ganyan din ang nangyari nang mag-top si dating Bise Presidente Jejomar Binay sa Social Weather Stations survey na inilabas noong Pebrero 2016. Si Duterte ang nanalo pagsapit ng Mayo ng taong 'yon. — may mga ulat mula sa Radyo Singko

Show comments