COVID-19 patients papayagang bumoto
MANILA, Philippines — Papayagan ng Commission on Elections (Comelec) na makaboto ang mga COVID-19 patients sa 2022 national elections sa bansa.
Sa forum kahapon ng House Committee on People’s Participation na pinamumunuan ni Lone District San Jose del Monte City Rep. Florida “Rida” Robes, tinalakay ang mga pagbabago at limitasyon sa pagdaraos ng halalan ngayong may pandemya.
Sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez, ang mga taong may COVID-19 o may sintomas ng virus ay papayagang makaboto sa araw ng halalan pero ihihiwalay ang mga ito sa isolation polling place bilang bahagi ng health at safety protocols.
Ang nasabing istratehiya ay naging epektibo sa idinaos na plebisito sa Palawan noong Marso 13.
Sinabi ni Jimenez na lilimitahan lamang sa lima mula sa dating 10 ang mga botante sa loob ng voting precint upang maiwasang magkahawaan.
Dahil limitado lamang ang mga papasukin sa mga voting center, ang eleksyon ay magsisimula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi sa May 9, 2022.
Inihayag naman ni Robes na inorganisa niya ang forum upang imulat ang mga botante sa mga pagbabago dahilan sa COVID pandemic kung saan kailangan ang partisipasyon ng publiko sa 2022 national elections .
- Latest