Duterte tinawag na ‘punch drunk’ si Pacquiao
Sa alegasyon ng korapsiyon
MANILA, Philippines — Tinawag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ‘punch-drunk’ si Sen. Manny Pacquiao na kapartido niya sa PDP-Laban.
Muling binanatan ni Duterte si Pacquiao dahil sa alegasyon nito na bilyon-bilyong piso ang nawawala sa gobyerno dahil sa korupsiyon.
“I think Pacquiao is punch-drunk and I leave it up to you…I think he’s to be talking about P10 billion from nowhere,” ani Duterte.
Ang ‘punch drunk’ ay isang brain injury na natamo dahil sa matitinding suntok.
Matatandaan na inakusahan ni Pacquiao ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nabigong ipamahagi ang nasa P10.4 bilyong tulong sa ilalim ng social amelioration program (SAP).
Kinuwestyon ni Duterte ang alegasyon ni Pacquiao dahil tiyak aniya na hindi papayag ang Commission on Audit at mga kalihim ng mga departamento.
“Papayag ba naman ang COA niyan? Hindi lang ‘yan, papayag ba kami? Papayag pa ang mga secretary ng mga departamento na ganun na may mawala,” ani Duterte.
Matapos lumabas ang alegasyon ni Pacquiao, inungkat naman ni Duterte ang P2.2 bilyong hindi umano nito nababayarang buwis sa gobyerno.
Ipinahiwatig din ni Duterte na binabanatan ni Pacquiao ang kanyang administrasyon dahil hindi pa siya iniendorsong kandidato ng kanilang partido sa pagka-presidente.
- Latest