Running in tandem? 'Duterte-Duterte' no.1 sa survey ng pagkapangulo, VP sa 2022
MANILA, Philippines — Kung paniniwalaan ang bagong survey ng Pulse Asia, lalabas na mag-ama ang mga nangunguna para sa posisyon ng pagkapangulo at pagkabise presidente sa 2022.
"A little over a quarter of Filipino adults (28%) would vote for Davao City Mayor Sara Duterte if the May 2022 presidential election occurred during the survey period; four (4) possible presidential candidates register essentially the same second-choice voter preferences," ayon sa pag-aaral na inilabas ngayong Martes.
"Leading the May 2022 vice-presidential race are President Rodrigo R. Duterte (18%) and Manila Mayor Francisco Domagoso (14%); the top spot in terms of second-choice voter preferences is shared by five (5) vice-presidentiables."
Kahit hindi pa kinukumpirma nina Sara at Digong ang kanilang posibleng kandidatura, bukas ang parehong panig na kumandidato sa mga naturang pwesto.
Lumalabas ang ganitong survey results matapos silang paulit-ulit ibida ng government officials — lalong-lalo na sina presidential spokesperson Harry Roque at chief presidential legal counsel Salvador Panelo.
Kilalang supporter ng "Run, Sara, Run Movement" si Roque habang tagapagsalita ni Digong.
Itsura ng presidential, VP race ngayon
Sa ngayon, ito ang porsyento ng mga taong boboto sa top 5 ng mga posibleng tumakbo sa pagkapangulo kung "first choice presidential preference" ng Pulse Asia ang pagbabatayan:
- Davao City Mayor Sara "Inday" Duterte-Carpio (28%)
- Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso (14%)
- dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos (13%)
- Sen. Grace Poe (10%)
- Sen. Emmanuel "Manny" Pacquiao (8%)
Kung paniniwalaan ang survey, nasa ika-anim pang pwesto sa pagkapangulo si Bise Presidente Leni Robredo (6%), na siyang napipisil nang marami na kakandidato sa pagkapangulo sa panig ng oposisyon.
Ito naman ang porsyento ng mga taong boboto sa top 5 ng mga posibleng tumakbo sa pagkabise kung "first choice presidential preference" ng Pulse Asia ang pagbabatayan:
- Pangulong Rodrigo "Digong" Duterte (18%)
- Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso (14%)
- Sen. Vicente "Tito" Sotto III (10%)
- dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos (10%)
- Sen. Emmanuel "Manny" Pacquiao (9%)
Sa kasaysayan, hindi porke nangunguna ka sa survey ay ikaw na ang mananalo, gaya na lang ng nangyari noon kay dating Sen. Manny Villar na nangunguna sa 2009 Pulse Asia surveys. Natalo siya ni dating Pangulong Noynoy Aquino pagdating ng halalang 2010.
"Kung tatakbong vice president si President Duterte at tatakbong president ang kanyang anak na si Sara Duterte, running in tandem ito na nakamamatay. Pagpapatuloy ito ng kill, kill, kill, pagpapahirap at paglimas ng pondo ng bayan," ani Gabriela Women's Party Rep. Arlene Brosas nitong Hunyo.
Ang "running in tandem" ay laro sa pariralang "riding in tandem," na madalas iugnay sa magkaangkas sa motorsiklo na gumagawa ng krimen.
Aniya, tangka ang Duterte-Duterte tandem para "ikonsolida ang dinastiya" at panatilihin sa posisyon ang kanyang mga "alipores."
Isa ngayon ang partido ni Digong na PDP-Laban sa mga nanghihikayat kay Duterte na tumakbo sa pagkabise sa 2022. Sa ilalim ng 1987 Constitution, bawal uling tumakbo sa pagkapangulo ang kasalukuyang presidente, pero pinangangambahan ngayon ang posibilidad na makaupo uli siya kung hindi makagampan ang mananalong pangulo.
Usapin ng senatoriables
Pagdating naman sa mga lumalabas na "winnable" sa ngayon pagdating sa pagkasenador, narito naman ang sinasabing nasa "magic 12":
- Sen. Emmanuel "Manny" Pacquiao (54%)
- Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso (53.7%)
- Davao City Mayor Sara "Inday" Duterte-Carpio (47.7%)
- broadcaster na si Raffy Tulfo (46.5%)
- Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano (46%)
- Sorsogon Gov. Francis "Chiz" Escudero (45.6%)
- dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos (39.7%)
- Antique Rep. Loren Legarda (38.8%)
- Sen. Panfilo "Ping" Lacson (35.7%)
- aktor na si Willie "Kuya Wil" Revillame (34.8%)
- dating Sen. Jinggoy Estrada (33.3%)
- Sen. Juan Miguel "Migz" Zubiri (30.6%)
- dating Bise Presidente Jejomar "Jojo" Binay (30.5%)
Ang survey ay isinagawa ng Pulse Asia mula ika-7 hanggang ika-16 ng Hunyo, na siyang sumuri sa pananaw ng 2,400 katao galing sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Ang "Ulat ng Bayan" survey na ito ng Pulse Asia Research ay hindi kinomisyon ng simumang partido ay isinagawa lang mismo ng organisasyon.
- Latest