Sikip ng trapiko sa EDSA '98% na ng pre-pandemic levels,' sabi ng MMDA
MANILA, Philippines — Sa pagluluwag ng mga quarantine restrictions at pagbubukas nang mas maraming establisyamento sa gitna ng COVID-19 pandemic, nakikita na ang dahan-dahang pagnonormalisa sa bilang ng mga sasakyang bumabagtas sa EDSA, na kilala bilang isa sa pinaka-"busy" na kalsada sa Pilipinas.
Bago ang COVID-19 pandemic, nasa 405,882 ang mga sasakyang dumaraan sa EDSA. Pero sa ngayon, umabot na ito sa 399,000, sabini Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) traffic chief Bong Nebrija.
"Recently, nagkaroon na tayo ng volume count. We are already at 399,000 dito sa EDSA," wika ni Nebrija sa panayam ng GMA News, Martes.
"Pre-pandemic, we were at 405,882—that was December of 2019. So as you could see, we're nearing, we're almost 98% of that volume. Kaonting diperensiya na lang."
Ganito ang siste kahit na marami sa mga Pilipino ngayon ang naka-"work from home" o distance learning (online classes, modules) sa bahay bilang pag-iingat sa hawaan ng nakamamatay na COVID-19.
Matatandaang iniba rin ng ruta ng mga bus sa EDSA, dahilan para hindi na padaanin sa mga mayor na erya sa kalsada gaya sa Araneta Center-Cubao.
Kahit na bumabalik na ang dami ng mga sasakyan, isa ang mga adjustments sa mga ruta ng bus at pagdadagdag ng mga bike lanes sa pagpapaswabe ng daloy ng mga sasakyan sa naturang kalye.
Ika-12 ng Hunyo lang nang buksan ng Department of Public Works and Highways ang "Kalayaan Bridge" ng BGC-Ortigas Center Link. Kasama ito sa mga decongestion plans para sa EDSA.
Sa kabila niyan, inirereklamo ito ng ilan dahil napakataas ng dapat akyatin ng mga pedestrians sa sidewalk nito. Nawawalan din aniya ng pedestrian walkway ang naturang tulay bigla-biglaan. — James Relativo
- Latest